Isang binatilyo ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahatid ng nasa 30 gramo ng hinihinalang shabu sa Mendez, Cavite, nitong Miyerkules ng umaga.

Dinakip ang 15-anyos ng mga operatiba ng NBI-Cavite District Office (CAVIDO) sa entrapment operation bago pa niya mai-deliver ang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P40,000.

Ikinasa ang operasyon makaraang makataangap ng impormasyon ang NBI-CAVIDO na gumagamit na ngayon ang mga sindikato ng droga ng mga menor de edad upang maihatid ang mga supply nila ng ilegal na droga sa Cavite mula sa Laguna dahil na rin sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa Laguna.

Ayon sa NBI-CAVIDO, sa nabanggit na operasyon ay sinabi ng suspek, na residente ng San Pedro, Laguna, na siya ay menor de edad upang makaiwas sa pagdakip.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi pa ng binatilyo na ngayong taon lamang siya nagsimulang maging drug courier, at idinagdag na binabayaran siya ng P500 sa bawat delivery na nagagawa niya.

Sinabi pa ng NBI-CAVIDO na ang ama ng binatilyo ay kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City makaraang mahatulan sa kaso ng droga.

Napaulat na nagtatago naman ang 22-anyos na kapatid na lalaki ng binatilyo. Batay sa ulat, ito ang nag-uutos sa menor de edad kaugnay ng paghahatid ng ilegal na droga. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)