CLEVELAND (AP) — Hindi magkamayaw ang mga tagahanga na magdamag na naghintay para sa pagdating ng kanilang kampeon.
Sa pangunguna ni four-time MVP LeBron James, nasilayan ng Cleveland sports fans at mga residente ang kumikinang na Larry O’Brien trophy na siyang simbolo ng bagong pag-asa at kasaysayan sa lungsod na mahabang taon ding pinagkaitan ng tagumpay.
Tapos na ang 52 taong paghihintay, gayundin ang pangakong binitiwan ng kanilang itinuturing na bayani.
“This is for you, Cleveland,” umaalingawngaw na hiyaw ni James.
Ipinanganak at lumaki sa kalapit na Akron ang 6-foot-8 na si James kung kaya’t walang dudang napakatamis ng tagumpay para sa lungsod, sa pangunguna ng kanilang sariling anak.
Mula sa 1-3 pagkakadapa, bumalikwas ang Cavaliers para itarak ang kasaysayan bilang kauna-unahang koponan sa nakagawa ng “Greatest Comeback”.
Tinapos ng Cavs ang mahabang taong pagkauhaw sa kampeonato sa team sports. Huling nagkaroon ng “ticker-tape parade” sa lungsod noong 1964 nang magwagi ang Browns sa NFL.
Tulad ng Cavs, walang pagsidlan ang kasiyahan ng mga tagahanga na inabot na nang ilang henerasyon sa paghihintay ng kanilang “Messiah” sa sports.
“I kept waking up during the night and saying, ‘Did we really win’?” pahayag ni Diana Beetler ng Oberlin, Ohio.
“I couldn’t believe it. I’ve never had a championship since I was born. We’ve been waiting years and years for this.”
“I cried,” sambit naman ng kanyang 18-anyos na dalagang si Zoe. “Everybody cried.”
Hindi rito nagtatapos ang kasiyahan. Para kay James, nagsisimula pa lamang ang dominasyon ng Cavaliers.
“That championship wasn’t just for us. That championship last night was for everybody in Northeast Ohio,” pahayag ni James.
“I always want you guys to remember that I’m just a kid from Akron, Ohio.”