OAKLAND, California (AP) — Naghahabol sa oras si Stephen Curry nang tangkain niyang makalusot sa depensa ni Kevin Love at sa maliit na agwat, ibinato niya ang three-pointer na normal na niyang ginagawa sa pitong taong career sa NBA.

Ngunit sa pagkakataong ito, mintis si Curry, gayundin ang Golden State Warriors sa kampanya para sa back-to-back title na kukumpleto sa makasaysayang marka ngayong season.

“It will haunt me for a while because it means a lot to me to try to lead my team and do what I need to do on the court and big stages,” pahayag ni Curry.

“Done it before. Didn’t do it tonight,” aniya.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Palyado ang outside shooting ni Curry, gayundin ang birada ng kasangga sa ‘Splash Brothers’ na si Klay Thompson.

Mula sa pagiging imortal sa regular season kung saan naitala nila ang makasaysayang 73 panalo, lagapak ang Warriors sa tinaguriang ‘greatest collapse’ sa kasaysayan ng NBA Finals.

Tangan ng Warriors ang 3-1 bentahe sa best-of-seven, ngunit nabigo sila sa huling tatlong laro, tampok ang 93-89 panalo ng Cavaliers sa ‘winner-take-all’.

Nabalewala ang record 73 panalo ng Warriors sa regular season, gayundin ang unanimous MVP ni Curry at ang matikas na pagbalikwas mula sa 1-3 pagkakadapa laban sa Oklahoma City Thunder sa conference finals.

“It wasn’t easy what we accomplished, and it’s not an easy pill to swallow what we didn’t accomplish,” sambit ni Curry.

Matapos ang nakadidismayang kabiguan sa Game Five at Six, matikas ang Warriors at abot-kamay na ang tagumpay sa krusyal na sandali ng winner-take-all sa kanilang tahanan sa Oracle Arena.

Subalit, nakatuon ang tadhana sa Cavaliers.

Hindi na nakaiskor ang Warriors mula nang maitabla ni Klay Thompson ang iskor sa 89-all may 4:39 sa laro. Sumably ang huling siyam na tira ng Golden State, tampok ang pagbutata ni James sa fast-break lay-up ni Andre Iguodala at ang mintis na three-pointer ni Curry.

Bunsod ng kabiguan, hindi man katanggap-tanggap, ang Warriors ang pinakamatikas na koponan na nabigong magwagi ng kampeonato.

Napabilang sila sa listahan na kinabibilangan ng 18-0 New England Patriots na natalo sa Super Bowl noong 2008, ang 116-win Seattle Mariners na nabigo sa 2001 AL championship series at ang 68-win Boston Celtics na nasibak sa Eastern Conference finals noong 1973.

“We had a goal at the beginning of the year to repeat, and that goal we failed,” pahayag ni forward Draymond Green.

“But I don’t look at this entire season as a failure because there’s been too many great things that happened,” aniya.