Naglabas ng oratio imperata o obligatory prayer si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa mga opisyal ng pamahalaan, ilang araw bago ang pagpapalit ng liderato ng bansa sa Hunyo 30.

Ang naturang special prayer ay dadasalin sa mga misa sa mga simbahang sakop ng Archdiocese of Manila sa loob ng siyam na araw.

Sisimulan ang pagdarasal nito bukas, Martes, Hunyo 21, hanggang sa Hunyo 29, ang bisperas ng inagurasyon para sa pag-upo sa puwesto ni incoming President Rodrigo Duterte at ni Vice President-elect Leni Robredo.

Ayon kay Father Reginald Malicdem, chancellor ng Manila Archdiocese, ang paglalabas ng naturang panalangin ay alinsunod rin sa panukala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Ang pagdarasal para sa oratio imperata ay batay sa isang circular na inisyu ni Tagle para sa mga pari, chaplains, superiors ng religious communities at Catholic schools na sakop ng archdiocese.

Nakasaad sa dasal, na available sa English at Filipino, ang pananalangin para tanggihan ang kultura ng pagpatay sa bansa, kasunod na rin ng pahayag ni Duterte na plano niyang buhayin ang parusang bitay laban sa mga sangkot sa mga karumal-dumal na krimen, na mariing tinututulan ng Simbahang Katoliko.

“Bless our leaders with true reverence for human life and unyielding opposition to the culture of death,” nakasaad pa sa panalangin.

Humihingi rin ito ng “sincere generosity,” “courageous simplicity of lifestyle” at “spirit of heroic sacrifice and unrelenting fortitude” para sa mga leader ng bansa.

Ang oratio imperata ay iniisyu ng simbahan sa mga panahong nangangailangan ng sama-samang pagdarasal ng lahat.

(Mary Ann Santiago)