Bumagsak sa kamay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na pinaghihinalaang miyembro ng international drug syndicate na nasa likod umano ng pagpupuslit ng droga sa Malaysia mula sa Pilipinas.
Ayon sa mga opisyal ng NBI, dinampot ang apat na Pinoy sa Unit 15F Palawan Tower, Bay Gardens, Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng awtoridad ang apat na si Enjom Jainoddim, pinaniniwalaang lider ng drug smuggling syndicate; ang asawa nitong si John Jainoddim; kapatid na babae na si Miyam; at isang “Manik Halis”, na kagawad sa Barangay Culiat, Quezon City.
Sa bisa ng search warrant, nasamsam ng mga tauhan ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division ang 39 na sachet na naglalaman ng shabu, isang timbangan, mga tsinelas, junk food wrapper, P3,500 cash at hindi mabatid na halaga ng Malaysian ringgit.
Lumitaw sa imbestigasyon na isinisilid ng mga suspek ang sachet ng shabu sa mga tsinelas habang ang maliliit na sachet ay isinisingit sa mga tsitsirya bago ang mga ito i-export sa Malaysia.
Sinabi rin ng NBI na matagal na nilang minamanmanan ang mga suspek kahit noong nakabase pa ang mga ito sa Zamboanga City, bago inilipat ang ilegal na operasyon sa Metro Manila. - Argyll Cyrus B. Geducos