DAVAO CITY – Maaari siyang tawaging Digong, Rody, Mayor, Punisher—at sa malapit na hinaharap—Mr. President. Ngunit para sa mga anak niyang sina Paolo, Sara, Sebastian at Veronica, si Rodrigo R. Duterte ay ang kanilang “Papa”.
Gayunman, ang taguring ‘yan lang ang eksklusibo para sa mga anak ng beteranong lingkod-bayan. Siyempre pa, matagal nang itinuturing ni Duterte ang mamamayan ng Davao City bilang kanyang mga anak, pinoprotektahan ang kanilang mga kapakanan sa nakalipas na mahigit dalawang dekada ng pagsisilbi niya bilang alkalde, bise alkalde at kongresista ng siyudad.
Sa paraang ito ng pagbibigay ng proteksiyon pinalaki ni Duterte ang sarili niyang mga anak, na namulat sa paulit-ulit niyang pagpapaalala tungkol sa kahalagahan ng edukasyon, lalo na kapag tumanda na sila.
Inalala ni Sara kung paanong ang kanyang ama ay mistulang “sirang plaka” sa pagpapaalala sa kanya noong bata pa siya na “education is everything.”
Walang dudang natanim naman ito sa isip ni Sara, na ngayon ay isa nang abogado at nakatakdang pumalit sa kanyang ama bilang susunod na alkalde ng Davao City sa Hunyo 30.
Katuwang ni Sara sa pangangasiwa sa Davao City ang kapatid na si Paolo, na nahalal sa ikalawang termino bilang bise alkalde. Mayroon siyang PhD sa public administration.
Si Sebastian, o Baste, ay tahimik din na gaya ng kanyang ama at hindi naging pampubliko sa nakalipas na mga taon, ngunit nakilala dahil sa aktibo niyang pangangampanya para sa ama noong panahon ng eleksiyon.
At si Veronica, 11, na marahil ay nag-iisang tao na agad na nakapagpapalambot sa puso ng lalaking tinatawag na “Punisher”.
Sino bang makakalimot sa thanksgiving party ni Duterte sa Davao Crocodile Park nitong Hunyo 4, nang matapos ang mahabang litanya ng mga pangako at pagbabanta ng halal na pangulo laban sa mga sangkot sa droga at kurapsiyon sa bansa ay nilapitan siya ng kanyang bunso upang pahintuin dahil nagsisimula nang umambon?
Agad namang tumigil si Duterte, at nilisan ang entablado sa hitsura ng isang amang hindi napahindian ang kanyang mahal na anak, at hindi ng maluluklok na pangulo na katatapos lang magbanta sa mga kriminal at tiwaling opisyal ng gobyerno. (YAS OCAMPO)