Inatasan ng namamahalang internasyonal na organisasyon sa sports na volleyball na Federation International des Volleyball (FIVB) ang Larong Volleyball sa Pilipinas Incorporated (LVPI) na agad salain at rebisahin ang lahat ng mga internasyonal at national referees sa bansa para sa muli nitong pagbibigay accreditation.

Sinabi ni LVPI acting president Peter Cayco na sumulat mismo ang FIVB na humihiling na agad iulat ang kalagayan at estado ng mga accredited na international referees (IR’s) at international referee candidates (IRC’s) sa bansa upang mai-update ang lahat sa database ng internasyonal na asosasyon.

“It is in line with our hosting of two major international tournaments here,” sabi ni Cayco. “They (FIVB) want to know the status of our IR’s and IRC’s so they can officiate when we host two big events in our country and also to know if they are still active or not dahil meron pala iyan na yearly review para ma-upgrade ang skills,” sabi pa nito.

Ipinadala mismo ng FIVB ang listahan ng mga IR’s at IRC’s kay LVPI president Joey Romasanta bagaman ibinigay nito ang responsibilidad kay Cayco bunga ng sobrang gawain bilang chef de mission ng pambansang delegasyon na lalahok 2016 Rio De Janeiro Olympics sa Brazil sa Agosto 5 hanggang 21.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ipinaliwanag naman ni Cayco na wala siyang pinapanigan sa iniaatas ng FIVB dahil na rin sa nagaganap na hidwaan sa pagitan ng mga volleyball referees sa bansa bunga na rin ng nangyari na pagkikilala ng world governing body sa LVPI bilang kapalit ng dati nitong miyembro na Philippine Volleyball Federation (PVF).

“Wala naman akong pinapanigan sa kanila,” sabi ni Cayco. “Ako eh kung sino ang kinikilala, mayroong papeles at dokumento ay susundin ko. Hindi naman para sa akin ang accreditation nila sa FIVB, para iyan sa kanila. Puwede naman sila mag-referee sa PVF kung gusto nila o kung saan grupo nila gusto. Basta ang mahalaga dito ay maiayos natin ang kanilang mga accreditation dahil iyan naman ang ikinabubuhay nila.”

Sa kasalukuyan ay mayroon walong International Referees ang bansa na kinabibilangan nina Elpedio Arias, Nestor Bello, Yul Benosa, Jocelyn Del Rosario, Jose Isidro B. Hugo, Jose Garry Jamili, Jeffrey Lopez at Marvin Trinidad.

“They need to communicate with us for proper endorsement or they will be dropped from the FIVB roster. Alam mo, ngayon lang ako natututo sa technical sides ng volleyball because once this referees is dropped from the list, they will go back to square one, sayang,” sabi pa ni Cayco.

Mahigit 20 IRC’s din ang pinaalalahanan ni Cayco pati na ang mahigit 70 hanggang 80 national referees na asikasuhin ang kanilang accreditation sa LVPI bago makapamahala sa mga torneo sa bansa. (Angie Oredo)