Mga laro ngayon

(San Juan Arena)

1pm Opening ceremonies, 2pm F2 Logistics vs Cignal

4pm Petron vs Foton

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Nakatuon sa unang panalo ang nagtatanggol na kampeong Petron Tri-Activ sa asam nitong pagpapanatili sa pinakaprestihiyosong korona sa inaasahang nitong matinik na daan sa pagbubukas ng tampok na 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa San Juan Arena.

Sisimulan muna ang isang oras na panimulang seremonya sa pagpaparada ng walong kasaling koponan ganap na ala-una ng hapon bago ito sundan ng salpukan ng isa sa kinukunsidera sa titulo na F2 Logistics at Cignal HD Spikers sa una sa dalawang isasagawang laro.

Hindi na makakasama ng Tri-Active sina Aby Marano, Rachel Anne Daquis, Dindin Manabat at Fille Cayetano sa pagsagupa nito sa tinanghal na Grand Prix champion Foton Toplanders sa inaasahang magiging maigting na laban sa ganap na alas-4 ng hapon.

Makakasama ngayon ng Tri-Activ Spikers ang mga bago nitong miyembro na sina Aiza Pontillas, Sheila Pineda at CJ Rosario na kinuha ng Petron bilang second overall pick sa nakaraang PSL Annual Rookie Draft.

Aminado mismo si Petron coach George Pascua na lubhang mahirap ang daan tungo sa kampeonato matapos na magpalakas din ng kanilang komposisyon ang mga karibal sa torneo partikular ang makakasagupa nito ngayong hapon na Toplander.

“Mukhang mahihirapan na kaming makaulit. Lahat ng teams malaki ang imporvement,” sabi ni Pascua, na nagtala ng kasaysayan sa liga bilang unang coach na giniyahan ang koponan sa malinis na 13-0 pagwawalis nakaraang taon. “I like my team. We’re now more aggressive because we got a little younger,” sabi pa nito.

Ang Foton, na siyang pumigil sa hangad ng Petron na three-peat, ay lalo naman nagpalakas sa pagkuha sa serbisyo nina Ennajie Laure at Cherry Rondina sa UST at Carol Cerveza mula sa La Salle upang idagdag sa pinanatili nito na beteranong miyembro na sina Jaja Santiago, Angeli Araneta at Patty Orendain. (Angie Oredo)