NAGHATID ng nakadidismayang hudyat ang pahayag ng papasok na Duterte administration hinggil sa pagtataas ng value added tax (VAT). Tandisang ipinahiwatig ng susunod na Department of Budget and Management (DBM) secretary na si Benjamin Diokno na ang dating 12% VAT ay itataas sa 15%. Hindi ba ito kabaligtaran ng mga pangako ng naturang administrasyon na pagiginhawahin nito ang pamumuhay ng sambayanang Pilipino?

Hindi miminsang inalmahan ng mga mamamayan ang VAT na mistulang kalbaryong pinapasan ng lahat; nakakawing ito sa lahat ng bilihin at iba pang biyaya na tinatanggap ng taumbayan, kabilang na ang mga nakatatandang mamamayan o senior citizens. Hiniling itong alisin o bawasan man lamang ng papaalis na administrasyon, subalit ito ay nanatiling bingi at manhid sa hinaing ng sambayanan.

Hindi lamang ito, ang pabigat na mistulang ipamamana sa atin ng Aquino leadership. Ang pagbasura sa pamamagitan ng makapangyarihang presidential veto power sa dagdag na P2,000 sa Social Security System pensioners ay ibayong pahirap sa mga pensiyonado at sa kanilang mga mahal sa buhay. Ito ay isang aksiyon na wala nang lohika ay tila hubad pa sa common sense.

Hindi ba’t isa ring pabigat sa pasanin ng libu-libong nurse ang pag-veto ni Presidente Aquino sa batas na taasan ang kanilang sahod? Maliwanag na ipinagkait sa naturang health workers ang kakarampot na biyaya na matagal na nilang inaasam; biyaya na sana ay tatamasahin din ng kanilang mga mahal sa buhay. Hindi ba ito isang malaking insulto sa kanila, lalo na kung isasaalang-alang na nakalulula ang pay increase na ipinagkaloob sa matataas na opisyal ng gobyerno, kabilang na ang Pangulo ng bansa?

Isa ring pabigat ang kawalan ng positibong aksiyon sa pagpapababa ng income tax sa kinikita ng mga manggagawa. Isipin na ang mga Pilipino lamang, sa buong Asian region, ang nagbabayad ng pinakamataas na buwis – 32%. Ang mga kalapit na bansa ay sumisingil lamang ng 22%.

Totoo na marami rin namang makabuluhang pamana ang papalitang administrasyon na marapat lamang pahalagahan ng mga mamamayan.

Pagkakataon ngayon ng hahaliling administrasyon ang pagbaligtad sa mga panukalang nagpabigat sa pamumuhay ng sambayanan. Kailangang atupagin nila ang pagpapagaan sa ating pasanin, tulad ng kanilang ipinangangalandakang mga pangako. (Celo Lagmay)