Nanawagan si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos sa 17 local government unit (LGU) sa Metro Manila na palakasin ang kahandaan sa posibleng epekto ng La Niña Phenomenon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa Oktubre o sa huling quarter ng 2016 mararamdaman ang bugso ng La Niña at posible ang pananalasa ng ilang bagyo sa bansa na maaaring magdulot ng matinding baha, partikular sa Metro Manila.
Kaugnay nito, hiniling ni Carlos sa mga lokal na pamahalaan na may panahon pa para maglinis ng mga estero, kanal at iba pang daluyan ng tubig upang makaiwas sa baha tuwing malakas ang ulan, na nagdudulot ng pag-apaw ng mga ito dahil sa mga dumi at basura.
Sa panig ng MMDA, masusubukan din umano ang 12 inayos na pumping station at flood warning system na isinailalim sa rehabilitasyon. (Bella Gamotea)