BINANTAAN ng away ni Pangulong Digong ang mga mambabatas kapag inimbestigahan daw siya ng mga ito sa pakikipaglaban niya sa krimen. Alam umano niya ang kanyang ginagawa. Ang nais niya kasi, sa layuning sugpuin ang krimen, ay huwag siyang imbestigahan ng Kongreso sa kanyang gagawin. Sa kanyang panunungkulan, dapat umanong may 50 binibitay kada isang buwan. At ang pagbitay, aniya, ay sa pamamagitan ng pagbigti sa pampublikong lugar upang huwag pamarisan.

Bakit nasabi ni Pangulong Digong ang mga ito? Eh, abogado siya, nanungkulan sa gobyerno bilang piskal, mambabatas at matagal naging alkalde ng Davao City. Kaya hindi mo masasabi na salat siya sa kaalaman sa mga batayang prinsipyo ng pamamahala sa ilalim ng demokrasya. Ang panlaban sa krimen ay batas, hindi lakas. Ang gobyerno ay may lakas at kapangyarihan upang pangibabawin ang batas. At ang lakas na ito ay nagbubuhat sa taumbayan. Hindi ito lakas ng mga taong pinagkalooban ng mamamayan ng kanilang kapangyarihan na gamitin sa anumang paraan na lihis sa batas. Kapag kasi ganito ang nangyari, ang mga taong ito ang magdidikta kung ano ang batas. Ang katwiran ng lakas ang mangingibabaw at hindi ang lakas ng katwiran. Ang lipunan ay magmimistulang gubat na walang makakontrol sa leon o tigre para silain ang kapwa nila na mahina at walang laban.

Ang karapatan ng Kongreso na mag-imbestiga ay likas na kapangyarihan nito, nasasaad man ito o hindi sa Saligang Batas. Kaakibat ito ng kanyang tungkulin na gumawa ng batas. Layunin nito na makapangalap ng mga mahalagang impormasyon na makatutulong sa kanya para remedyuhan ang problema ng mamamayan sa pamamagitan ng paggawa ng batas.

Alam ni Pangulong Digong ito dahil naging Kongresista siya. Alam din niya na hindi niya magagawa ang magpabitay ng sinasabi niyang ganoon kadami sa loob ng isang buwan. May batas at proseso na itinatakda ng batayang prinsipyo ng demokrasya na dapat sundin upang tuluyang maganap ang pagbitay. At alam din niya na hindi makapangingibabaw ang kagustuhan niyang bitayin sa pagbigti sa publikong lugar ang isang tao, anuman ang napatunayang pagkakasala nito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May Saligang Batas tayo na nagbabawal sa cruel punishment. Higit sa lahat, alam niya na may tututol at pipigil sa kanyang mga gustong mangyari. Nasabi lang ni Pangulong Digong ang kanyang mga tinuran bilang pagpapauna na hindi niya kayang tuparin ang kanyang pangakong susugpuin ang ilegal na droga at krimen sa loob ng 3 haggang 6 na buwan.

(Ric Valmonte)