Patay ang isang pinaghihinalaang tulak ng shabu makaraang pagbabarilin sa tapat ng kanyang bahay sa Tondo, Maynila, nitong Miyerkules dahil sa pagkabigo nitong ientrega sa sindikato ang kinita sa pagbebenta ng droga.

Ayon sa imbestigasyon, isinasandal ni Francis Roque, 31, ang isang hagdan na gagamitin sa lamay ng kanyang tiyuhin sa kanyang bahay sa Bukang Liwayway Street, Tondo, nang lapitan siya ng suspek mula sa likuran at barilin sa ulo.

Matapos ang pamamaril, sinabi ng ama ng biktima na si Federico sa pulisya na naglakad lamang ang gunman patungo sa isang motorsiklo na roon naghihintay ang kasamahan nito bago tumakas sa direksiyon ng Yuseco Street, Tondo.

Ayon kay Supt. Alex C. Daniel, ng Jose Abad Santos Police Station, inamin ni Eleanor Gonzalvo, kinakasama ng biktima, na nabigo si Roque na ientrega ang drug money sa isang “Warren de los Reyes”, na kilalang supplier ng droga sa Tondo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inilarawan ng mga saksi ang suspek na nasa 5’5” ang taas, balingkinitan, kayumanggi, at may suot na T-shirt at maroon na short pants.

Dead on arrival si Roque sa Ospital ng Tondo bunsod ng tama ng bala sa leeg na tumagos sa noo. (Jenny F. Manongdo)