Bunsod ng matinding sama ng loob matapos na hindi makapag-enroll ngayong school year, mas ninais ng isang 12-anyos na lalaki na tapusin ang kanyang buhay sa pagbibigti sa kanilang babuyan sa Barangay Sampaloc 1, Sariaya, Quezon.
Natagpuan ng kanyang ama si Allen Angel Pajo Manongsong habang nakabitin at wala nang pulso, sa kisame ng kanilang babuyan sa Purok 5, Barangay Sampaloc 1, dakong 6:00 ng gabi nitong Miyerkules.
Sinabi ng magulang ni Allen sa pulisya na desidido ang binatilyo na ipagpatuloy ang pag-aaral nito, subalit nagsimula na ang klase nitong Hunyo 13 ay hindi pa rin ito nakapag-enroll dahil na rin sa kahirapan ng pamilya.
Aminado ang magulang ng biktima na masyadong sensitibo ang binatilyo, lalo na kung nakakagalitan.
Bago ang pagpapatiwakal, napansin din ng kaanak ng biktima na inihahanda na nito ang mga gamit sa paaralan, kaya naman labis itong nalungkot nang hindi ito nai-enroll ng mga magulang.
Wala namang natagpuang palatandaan ang pulisya na nagkaroon ng foul play sa pagkamatay ni Allen, ayon pa sa ulat.
(Danny J. Estacio)