Patuloy ang ratsada ng Bali Pure matapos gapiin ang Team Laoag, 28-26, 25-23, 25-17, nitong Miyerkules ng gabi sa Shakey’s V-League Season 13 Open Conference sa The Arena sa San Juan.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Purest Water Defenders mula nang mabigo sa Air Force sa opening day at ikalawang sunod na kasama si dating Ateneo star Alyssa Valdez para masiguro ang playoff sa semifinal.
Hataw si Valdez, sumabak muna sa exhibition game sa Italy, sa 20 puntos, 10 dig at limang reception, habang kumubra si Grethcel Soltones ng 11 puntos at 11 dig.
Nag-ambag sina Dzi Gervacio at Mae Tajima ng tig walong puntos, habang kumana si Amy Ahomiro ng pitong puntos para sandigan ang Bali Pure sa ikalawang puwesto sa likod ng walang talong Pocari Sweat (4-0).
“I’m just very, very happy that the team is getting better and better, that’s good kasi now talaga kumpleto na kami,” sambit ni Bali Pure playing coach Charo Soriano.
“Coach Nes knows his team better so for us regardless if it’s the first stringers or the second stringers, we’re just gonna focus talaga on our team, although it did came as a surprise that he changed his whole line up,” aniya.
Samantala, nakabawi ang Air Force nang magwagi sa National University, 23-25, 25-21, 13-25, 25-23, 15-8, para makisosyo sa Bali Pure sa ikalawang puwesto tangan ang 4-1 karta.
Tumipa sina Judy Caballejo at Joy Cases ng 16 at 14 puntos para sa Air Force, ayon sa pagkakasunod.