Inaprubahan na ni Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa, incoming Philippine National Police (PNP) chief, ang pagtatalaga sa isang batalyon ng PNP-Special Action Force (SAF) na magsisilbing pansamantalang kapalit ng mga prison guard sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Sinabi ni Dela Rosa na tinalakay na nila ni incoming Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre ang pagtatalaga sa mahigit 300 tauhan ng SAF bilang kapalit ng mga NBP prison guard na sasailalim sa ilang buwang retraining.

“The PNP will support the muscle, the firepower that the Aguirre needs. He is requesting a battalion of SAF to serve as prison guards and I said yes,” pahayag ni Dela Rosa.

Bukod sa kumpleto sa kagamitan, itinuturing ang SAF na isa sa mga pinakadisiplinadong unit ng PNP.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Kapwa binabatikos nina President-elect Rodrigo Duterte at Dela Rosa ang liderato ng NBP matapos matuklasan na patuloy ang ilegal na transaksiyon ng mga convicted drug lord sa loob ng Maximum Security Compound. 

Sinabi ni Dela Rosa na mananatili ang SAF sa NBP hanggang hindi bumabalik sa normal ang sitwasyon sa pasilidad. 

“Until such time that we confirmed that the illegal drug trade has already stopped, they will be there. But if they want to be permanent, then there’s no problem,” binigyang-diin ni dela Rosa.

Subalit nilinaw ni Dela Rosa na ipatutupad niya ang “rotational scheme” sa pagtatalaga sa mga tauhan ng SAF sa NBP upang mailayo sila sa pakikipagkaibigan sa mga nakakulong na drug lord. 

“After a period of time, the SAF men should be replaced with a battalion of Army to avoid familiarization with the drug lords inside,” ayon sa susunod na PNP chief. (AARON RECUENCO)