Naiuwi ng Philippine Air Force ang ikalimang sunod na korona matapos biguin ang IPPC Hawks, 9-3, at angkinin ang kampeonato sa 2016 PSC Commissioner’s Baseball Cup kahapon, sa Rizal Memorial Baseball Field.

Sinandigan ang panalo ng Airmen sa krusyal na pagkakamali ng Hawks sa ikawalong inning upang umahon mula sa 2-3 run na paghahabol tungo sa pagsungkit sa ikalimang titulo sa anim na torneo na inorganisa ng Philippine Sports Commission.

Umiskor ang IPPC ng dalawang run sa unang inning at isa sa ikaanim upang pansamantalang iwanan ang Airmen na nagawang makaiskor ng isang run sa una at ikapaat na inning.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

“Sana po magpatuloy ang programang ito kahit magpalit na ng opisyal sa PSC. Ito lang kasi ang tournament na nasasalihan nami,” ayon kay PAF Air Force coach Staff Sergeant Romeo Bumagat.

Personal na iginawad ni PSC Chairman Richie Garcia sa nagkampeon na Air Force ang premyong bat at bola pati ang cash prize na P50,000, gayundin sa pumangalawa na IPPC na may P30,000. Ikatlo ang Unicorns na may P20,000, habang P5,000 sa ikaapat na Thunderz.

Tinanghal namang Best Slugger (1.49 hits), Most Run-Batted-In (11) at Most Homerun (3) si Matt Laurel ng Unicorns.

Most Stolen Bases na may pito ang kapatid nito na si Daniel Laurel habang Best Hitter si Alfredo Olivarez ng IPPC.

Ang Best Pitcher ay si Romeo Jasmin Jr., habang Best Umpire si Ricky Bernabe. Tinanghal naman na Series at Finals MVP ang pitcher ng Air Force na si Jonjon Robles.

“Our tournament has come to a full blown league. From eight teams and now a total of 20 teams. Sana ituloy ito dahil maraming atleta at unibersidad ang natutulungan,” sambit ni Garcia. (Angie Oredo)