Cast ng Encantadia copy

NAPANOOD namin ang teaser ng Encantadia 2016 na mapapanood na sa GMA-7 sa susunod na buwan at nagandahan kami.

Malapit sa puso namin ang naturang fantaserye na ang isa sa pinakagusto naming programa sa GMA noong 2005 at talagang pinag-usapan nang husto sa buong Pilipinas bukod sa Starstruck na umani rin ng papuri noong panahon ni Jennylyn Mercado bilang unang nanalo.

Nagsama-sama kasi sa unang Encantadia ang halos lahat ng magagaling at naggagandahang artista sa pangunguna nina Dawn Zulueta, Richard Gomez, Sunshine Dizon, Iza Calzado, Karylle, Diana Zubiri, Mark Herras, Yasmien Kurdi, Pen Media, Pinky Amador, Dingdong Dantes at marami pang iba.

Kahayupan (Pets)

Asong inabandona sa paradahan ng tricycle noon, 'poging-pogi' na ngayon

Sa mga bida naman sa remake ng Encantadia 2016, iilan lang ang kilala namin tulad nina Marian Rivera at asawang si Dingdong, Kylie Padilla, Roco Naccino, Glaiza de Castro, Angelu de Leon, Rochelle Pangilinan, John Arcilla, Solenn Heussaff, Ryan Eigenmann at Sunshine Dizon na kasama sa orihinal na cast.

Malaking hamon sa mga bagong cast ng fantaseryeng ito na tapatan o higitan ang bersiyon nina Sunshine, Diana, Karylle at Iza.

Parehong grupo naman ulit ang nasa likod ng remake kaya magagawa naman siguro nilang lalo pang pagandahin ito.

Sitsit sa amin ng taga- GMA, “Mas high tech na ang effects dito, abangan mo, mas pinaganda nang husto ng management kasi alam naman nilang ikukumpara ito sa nauna, wait mo lang, mas magagaling ang bagong Sang’gre.”

Hmmm, okay aabangan namin ang Encantadia, pero kung itatapat ito sa FPJ’s Ang Probinsyano at Born For You, e, gudlak na lang, sabi namin sa taga-Siyete. (Reggee Bonoan)