INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang thanksgiving party na pagtutuunan niya ng pansin ang problema ng mamamayan sa kalusugan at edukasyon. Gagamitin umano niya ang pondo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa pagpapaunlad at pagpaparami ng mga pampublikong ospital at eskuwelahan.
Hindi na aniya kailangan pang maglakad ng mga bata ng kilu-kilometro, aakyat at bababa ng bundok at lulusong sa tubig para para lang makapag-aral. Ilalapit daw niya ang mga paaralan sa mga mag-aaral.
Sa mga proyektong ito, may makakatuwang si Pangulong Digong sa senado. Nang nangangampanya si Sen. William Gatchalian, ang pinakadiniinan niyang itataguyod at ipaglalaban kapag siya ay nanalo ay ang edukasyon. Para sa kanya, sa pamamagitan ng edukasyon, ay mahahango ang mga dukha sa kahirapan. Magagamit nila itong instrumento para maitaguyod ng maganda ang kanilang kinabukasan. Hindi banyaga si Gatchalian sa larangang ito.
Bago mahalal na senador si Gatchalian, siya ay naging alkalde at kongresista ng Valenzuela. Katunayan nga, nakaupo pa siyang congressman nang tumakbo siyang senador. Sa panahong nanungkulan siya sa mga kapasidad na ito, ang una niyang inasikaso ay paunlarin at paramihin ang health center at eskuwelahan sa Valenzuela. Ang mga health center na inabutan niya ay hindi mapakanibangan ng mamamayan. Paano, wala na ngang doktor, kulang pa sa gamot na kailangan ng mga may karamdaman. Nakatiwangwang ang mga ito nang simulan niyang ayusin at paunlarin. Pinunan niya ng mga doktor at pinuno ng mga gamot na libreng ibinigay sa mga nangangailangan. Dinagdagan ang mga health center na ngayon ay nakakalat na at maluwalhating pinakikinabangan ng mamamayan.
Ganito rin ang ginawa ni Gatchalian sa mga paaralan. Kung saan naroroon ang higit na nakararaming mamamayan lalo na ang mga dukha ay dito niya ipinatayo ang mga eskuwelahan. Iyong nais na mangyari ni Pangulong Digong na ikalat ang mga eskuwelahan at ilapit ang mga ito sa mga estudyante ay ginawa na ni Gatchalian noong panahong siya pa ang alkalde ng Valenzuela. Pinarami niya ang kanyang mga scholar nang siya’y maging kongresista. Bakit hindi dadagsa ang mga ito, eh, bukod sa kanyang determinasyon na isulong ito at tumulong sa mga magaling na estudyante na kapus ang kakayahang gugulan ang kanilang pag-aaral, ilang beses siyang inihalal na congressman ng kanyang mamamayan. Kaya, dahil nakapag-aaral ang mga kabataan, nalilihis sila sa mga masamang bisyo. Ligtas sila sa kapahamakan . Naglalakad na lang sila sa halip na mamasahe dahil katabi na lang ng kanilang tinitirhan ang mga eskuwelahan. Hindi ako magtataka kung sa pagnanais ng administrasyong Duterte na may makatulong ito sa kanyang proyektong mapalaganap ang mga eskuwelahan at makapag-aral ang mga kabataan sa buong kapuluan ay gawing Senate Committee on Education Chairman si Gatchalian.