Mga laro ngayon (JCSGO Gym, Cubao)
2 n.h. -- AMA vs Phoenix
4 n.h. -- Blustar vs Tanduay
Puntirya ng reigning Aspirants Cup champion Phoenix na masilaban ang ikatlong sunod na panalo sa pakikipagtuos sa AMA Learning School sa pagbabalik ng aksiyon sa PBA D-League Foundation Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Liyamado ang koponan ni coach Eric Gonzales, ngunit, umaasa siyang mas magiging “consistent” ang Accelerators upang makaiwas sa posibleng pagkasilat.
Sa unang dalawang panalo ng Phoenix, naghabol ang Accelerators bago nakuha ang panalo.
“Binabantayan namin ‘yan every quarter, every possession, kailangan maging consistent kami,” pahayag ni Gonzales. “Sa first two games kasi, hindi ko pa nakikita yun sa mga bata.”
Haharapin ng Phoenix ang bokya pang AMA sa unang laro sa ganap na 2:00 ng hapon.
Muling mangunguna sa Phoenix sina Gilas Cadet Mac Belo, Ed Daquioag at Mike Tolomia.
“Kailangan pa rin naming respetuhin ang kalaban kasi hindi madali lahat ng magiging laro namin,” ayon kay Gonzales.
Sa ikalawang laro, ganap na 4:00 ng hapon, target ng Tanduay na makabawi sa pakikipagtuos sa Blustar Detergent.
Hangad ng Rhum Masters na makabuwelta sa natamong 98-79 kabiguan sa Phoenix noong nakaraang Martes. - Marivic Awitan