Nararapat munang pag-aralan at idaan sa referendum ang plano ng incoming Duterte administration na ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Ito ang binitiwang pahayag ni Presidential Communications Operations (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. bilang reaksiyon sa pahayag ni Justice Secretary Emmanuel Caparas na posibleng gipitin ng international community ang Pilipinas sakaling ituloy ng administrasyong Duterte na ibalik ang parusang kamatayan.
"The Secretary of Justice is affirming that the country has existing commitments to the United Nations and that reinstituting the death penalty is a vital policy change that needs to be thoroughly studied by the incoming administration and the 17th Congress,” ayon kay Coloma.
"The people's voice needs to be heard, too, to ascertain whether indeed the majority would like to see this come to pass,” dagdag ng opisyal.
Isinusulong ni incoming President Rodrigo Duterte ang pagbabalik sa death penalty upang mapalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa kriminalidad, lalo na sa ilegal na droga.
At sa halip na lethal injection na itunuturing na makataong pamamaraan ng pagpataw ng parusang kamatayan, mas pinaboran ni Duterte ang pagbitay ng mga sintensiyadong kriminal sa publiko upang magsilbing aral sa mga lumalabag sa batas.
Pinaalalahanan ni Caparas na mayroong international commitments ang Pilipinas sa usapin ng pagtataguyod ng karapatang pantao at hindi dapat ito iitsapuwera ng susunod na administrasyon. - Genalyn D. Kabiling