WORTH it naman pala ang paghihintay ng fans nina Janella Salvador at Elmo Magalona sa seryeng Born For You dahil maganda ang kinalabasan sa pagkakadirek ni Onat Diaz. Sabi nga namin kay Mr. Deo Endrinal, head ng Dreamscape Entertainment, ‘Marunong palang magpakilig si Direk Onat?’ na kaagad kaming sinagot ng ‘oo naman.’
Napanood na namin ang pilot week nila sa special screening, at ngayon pa lang masasabi na namin na may bago na namang susubaybayan ang televiewers.
In fairness, ‘havey’ ang Born For You at parang nakuha na ng Dreamscape Entertainment ang formula na dapat may mga kuha sa ibang bansa na puwede ring puntahan ng ibang manonood sa next travel nila.
Sa nakita naming trailer at nabasang release, iikot ang kuwento ng Born For You sa kanta ni David Pomeranz at tulad ng nasulat namin kamakailan, tungkol ito sa destiny ng main characters, sina Kevin at Sam na ginagampanan nina Elmo at Janella.
May hawig din ang kuwento ng Born For You sa pelikulang Serendipity nina John Cusack at Kate Beckinsale na ipinalabas noong 2001 na sa unang pagkikita pa lang sa mall habang bumibili ng cashmere gloves ay may spark na kaagad silang naramdaman sa isa’t isa hanggang sa nagkakilalanan.
Kung ang libro at $5 bill ang nag-uugnay kina Jonathan (John) at Sara (Kate), red strings naman kina Elmo at Janella na bagong silang pa lang ay nakatakda na para sa isa’t isa, base sa paniniwala ng mga nakaranas na nito tulad ng magulang nilang sina Buddy (Bernard Palanca) at Cathy (Vina Morales).
Pasabog kaagad ang pilot week ng Born For You dahil big scene na kinunan sa Japan habang naglalakad sina Elmo at Janella sa Shibuya crossing ng Tokyo.
Hindi namin alam kung ilang araw ang airing ng back story ng BFY na nakagisnan ni Elmo na parating nag-aaway ang magulang niyang sina Ayen Laurel at Ariel Rivera samantalang punumpuno naman ng pagmamahal sa isa’t isa ang magulang ni Janella na sina Bernard at Vina.
Struggling singer at magkasama sa banda sina Ariel, Bernard at Vina at nagkahiwalay lang nu’ng nag-asawa ang una kay Ayen na gaganap na kontrabida sa kuwento.
Laos na singer na ang role ni Ariel at kailangan niya ng isang hit song para muling bumalik ang pangalan sa music industry, at ang Born For You na komposisyon ni Bernard para sa asawang si Vina ay ninakaw ni Ayen at sinabing siya ang sumulat na ipinakanta sa asawa.
Ayaw pumayag ni Bernard dahil gusto niyang si Vina ang kumanta nito pero dinedma siya ni Ayen hanggang sa iwan at hinabol siya ng aktor hanggang sa nasagasaan.
Hindi malinis magtago ng lihim si Ayen dahil ang CD ng BFY song na dala ni Bernard ay nakita ng anak niyang si Elmo noong bata pa at ipinarinig sa amang si Ariel at dito nalamang pag-aari iyon ng kaibigan niyang namatay at dito na nag-umpisa ang gulo nilang mag-asawa hanggang sa naghiwalay.
Lumaking punumpuno ng galit sa ama si Elmo dahil nga iniwan sila noong bata pa kaya sinasagut-sagot niya ito.
Samantalang sina Vina at Janella ay nanirahan na sa Japan para makalimot sa tulong na rin ng ikalawang asawang Hapon na sa huli ay nagkahiwalayan din.
Sikat na singer si Elmo sa Pilipinas nang mag-show sa Japan at dito sila nagtagpo ng ka-red strings niyang si Janella.
Nakakaaliw ang pagtatagpo nina Kevin at Sam sa Shibuya crossings dahil nakasabay ng dalaga ang matandang Haponesa na naniniwala sa red strings at nakita niyang magkakasalubong ang dalawa.
Sinabi ng matandang Haponesa kay Janella na makakabangga niya ang lalaking nakatakda para sa kanya sa pamamagitan ng red strings na noong una ay hindi pinaniwalaan ng dalaga.
Hanggang sa nagtagpo sila sa gitna ng at nagkabanggaan at in fairness, may kilig ang ElNella love team maski bago pa lang.
Natawa pa kami kasi nu’ng maghihiwalay na sila ay nagkabuhul-buhol ang cord ng mga headphone nila na kulay pula rin, ha-ha-ha! In fairness, ang ganda ng naisip na iyon ng writer ng show.
Simula noon, hindi na nawala sa isipan ni Kevin si Sam hanggang sa muli silang nagkita sa music store para bilhin ang ukulele case na pareho nilang gusto.
Ito ‘yung eksenang pinag-aagawan nila na kapareho naman sa cashmere gloves nina John at Kate sa Bloomingdale.
Sinundan-sundan ni Elmo si Janella hanggang sa nalaman niyang marami itong raket sa Japan -- tourist guide, singer at delivery girl.
Muli silang pinagtagpo ng tadhana sa video shoot ni Elmo at by accident, si Janella ang naging interpreter.
Sobrang irita kami sa bad character ni Ayen na bagay sa kanya, pero na-redeem naman niya ang sarili nu’ng makilala niya si Janella na masipag, dependable at iba pa. Mabait pala ang mama ni Kevin kapag gusto niya ang tao.
Siyempre hindi pa alam ni Ayen na si Janella ay anak pala nina Bernard at Vina kaya subaybayan kung magugustuhan pa rin niya ang dalaga kapag nalaman niya ang pagkatapo ng babaeng gusto ng anak niya.
May bentahe ang cast ng Born For You na mala-musical dahil halos lahat ay singers maliban kina Jai Agpangan at Ogie Diaz.
Hindi na kasi masyadong kinakagat ng mahihilig sa teleserye ang heavy drama na wala namang kapupuntahan, gusto nila ay light lang at napapanood din nilang puwedeng kumanta ang mga bida.
At nagkatapon na bukod sa singers ang mga bida ay magaling ding umarte, di ba, Bossing DMB?
(Expect only the best from Dreamscape. --DMB)
Hindi na namin ikukuwento ang buong isang linggong episode ng Born For You dahil mapapanood na rin naman ito sa Hunyo 20 kapalit ng The Story of Us.
Masayang-masaya naman ang big boss ng Dreamscape na si Sir Deo sa mga papuring narinig niya, na totoo naman dahil maganda ang pagkakalatag ng kuwento at ang ganda talaga ng mga eksena sa Japan kaya ito ang susunod naming gustong puntahan.
By the way, huwag nang magtaka kung bakit kilig to the max ang Born For You. Ito rin ang grupong nasa likod ng On The Wings of Love, so, alam n’yo na! (REGGEE BONOAN)