VIENNA (AP) — Nanatili ang suporta ng dalawa pang sponsor ni Russian tennis star Maria Sharapova sa kabila nang pagpataw sa five-time Grand Slam champion ng dalawang taong suspensiyon dahil sa droga.
Ipinahayag ng Racket supplier Head at bottled water company Evian nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) na patuloy ang kanilang pakikipagtambalan sa 29-anyos na si Sharapova.
Nauna nang nagpahayag ang sports gear giant Nike na hindi nila iiwan sa ere ang dating world No.1.
Iginiit ni Head CEO Johan Eliasch na hindi makatarungan ang ipinataw na suspensiyon ng International Tennis Federation anti-doping tribunal kay Sharapova dahil wala pang kongkretong pagsusuri na ang “meldonium” ay isang uri ng “performance-enhancing drug”.
Nagpositibo si Sharapova sa meldonium ng sumabak siya sa Australian Open nitong Enero kung saan natalo siya kay Serena Williams sa quarter-finals.
Kaagad na inamin ng Russian star ang pag-inom ng naturang gamot bilang medisina, gayundin ang kamalian na rebisahin ang ulat ng ITF kung saan kabilang na ang meldonium sa ipinagbabawal na gamot ng World Anti-Doping Agency.
Nagkabisa ang pagbabawal sa pag-inom ng meldonium sa pagsisimula ng kasalukuyang taon.