Bagamat mahigit dalawang linggo na ang nakararaan matapos mangyari ang trahedya sa Close Up Forever Summer concert sa Pasay City, hindi pa rin makatulog ang aktres na si Alma Concepcion matapos niyang masaksihan ang isang dalaga na nawalan ng malay sa kasagsagan ng rave party.

Naimbitahan ng National Bureau of Investigation-Death Investigation Division (NBI-DID) si Concepcion upang magbigay ng salaysay sa insidente at makatulong sa imbestigasyon sa pagkamatay ng limang concert goer, na hinihinalang biktima ng drug overdose.

Dumalo sa concert kasama ang kanyang anak at limang iba pang kaibigan, sinabi ni Concepcion na nakita niya ang isang grupo ng teenager sa tapat ng stage na aniya’y hindi lamang lasing dahil gumugulong ang mga eyeball, panay ang nguya, at sumasayaw nang walang tigil at kapaguran nang halos isang oras.

Kasama ni Concepcion ang kanyang abogado na si Py Caunan nang dumalo siya sa concert at nakita nila ang mahigit 30 teenager na sumisinghot ng inhaler, ngumunguya ng bubble gum, may nakasubong pacifier, o kaya’y nakatalukbong ang mukha upang itago ang panggigigil sa ngipin.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sinabi nina Concepcion at Caunan na nagpapasahan ng inhaler ang kabataan.

“Hindi malayong naka-drugs sila. Iba ang facial expression nila, eh. Panay ang nguya, wala namang kinakain,” pahayag ni Caunan.

Inilarawan ni Concepcion nang mawalan ng malay ang isang dalaga sa kasagsagan ng concert:

“Kung ang lasing nag-collapse, magiging parang vegetable siya. Pero siya iba, she was stiff,” ayon sa aktres.

Ikinuwento rin ni Caunan na naghanap pa siya ng bouncer upang buhatin ang teenager na nawalan ng malay para mabitbit ito sa isang medical post. (Argyll Cyrus B. Geducos)