Pinagmulta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang driver ng isang bus at isang pampasaherong jeep dahil sa umano’y pagmamaltrato sa kanilang mga pasahero na person with disability (PWD) o may kapansanan.
Idineklara ng LTFRB na nilabag ng driver ng BOVJEN Bus (TXV-135) at ng pampasaherong jeep (TXD-533) ang kanilang prangkisa matapos balewalain ang karapatan ng mga PWD na sumakay sa kanilang sasakyan.
Lumitaw sa imbestigasyon na sumakay ang dalawang pipi’t bingi sa BOVJEN bus na biyaheng Bulacan-Pasay nitong Mayo 20 at iniabot ang isang note sa konduktor: “Saan po ang Taft?”
Pero sa halip na sagutin ang tanong, kinuha lang ng konduktor ang pasahe ng dalawa at hindi kinilala ang kanilang pagiging PWD.
Pagsapit sa Pasong Tamo, puwersahan umanong pinababa ng konduktor ang dalawang pasahero bagamat sa Taft Avenue ang kanilang destinasyon.
Nang tanungin ng LTFRB ang konduktor na si Welie Ras Gumalas kung mayroon silang upuan sa bus na eksklusibo para sa mga PWD gaya ng nakasaad sa batas, sinabi nito na wala.
Samantala, sumakay si Angelito Pagtalunan, anak nitong may diperensiya sa pag-iisip, at maybahay na si Eugenia Perez, na naka-wheelchair, sa pampasaherong jeep (TXD-533).
Matapos alalayan ni Angelito ang kanyang anak sa pagsakay sa jeep, tinulungan niya ring sumampa ang kanyang maybahay. Subalit dahil mabagal umano ang pagsakay ng tatlo ay nairita ang driver ng jeep kaya pinababa niya ang mga ito.
Habang nag-aargumento, pinaandar pa ng pasaway na driver ang jeep kaya naiwan si Perez.
Sinabi ni LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton na bukod sa pagmumulta ng P50,000 tulad ng driver at konduktor ng BOVJEN bus, irerekomenda rin niya sa Land Transportation Office (LTO) na kanselahin ang lisensiya ng aroganteng jeepney driver. (Czarina Nicole O. Ong)