GUSTO namin ang pagiging prangka ni Michael Pangilinan. Hindi siya marunong magsinungaling. Kapag tinatanong, sumasagot siya ng totoo kesehodang tungkol sa pribado niyang buhay ang paksa.
Nang makatsikahan namin siya noon sa presscon ng Your Face Sounds Familiar Season 2, hindi niya itinangging magiging binatang ama siya. That time, tatlong buwang buntis ang ex-girlfriend niyang taga-showbiz din.
First regular show ni Michael ang YFSF2 at hindi niya inisip na maaaring makasira sa career niya ang pag-amin niya.
Tutuntong pa lang siya noon sa edad 19.
“Ayoko pong itago o itanggi na magkakaanak na ako kasi eventually, malalaman din naman po,” katwiran niya noon.
“Saka baka isipin ng anak ko, itinago ko siya, masyado nang high tech ngayon, isang pindot mo lang mababasa mo na lahat, ayokong pagdating ng araw ay kuwestiyunin po ako ng anak ko.”
Oo nga naman, hindi katulad ng ibang aktor na idinadaan sa tawa o ngiti ang sagot o kaya ay ayaw pag-usapan.
Discretion naman talaga ng isang artista kung gusto niyang umamin o hindi, pero public property sila at may mga supporter sila na gustong malaman ang katotohanan tungkol sa kanila lalo na kung may mga nakakakita na.
Honest pa rin si Michael hanggang ngayon, walang nagbabago.
Sa guesting niya sa Tonight With Boy Abunda para sa promo ng pelikula nila ni Edgar Allan Guzman na Pare, Mahal Mo Raw Ako, tinanong siya ni Kuya Boy kung may relasyon sila ni Garie Concepcion (anak nina Grace Ibuna at Gabby Concepcion). Diretsahan niyang inamin na, “Opo, kami na.”
Dugtong pa ni Michael, “Nagulat nga po ako kasi sobrang bait nila (pamilya ni Garie) sa akin at mapapamahal ka lalo kasi hindi ka nila tiningnan kasi, di ba, sino lang ba ako?”
Susog na tanong ni Kuya Boy, “Na mayaman sila?”
“‘Yun po ang pinakanagustuhan ko, na mayaman nga sila pero hindi naman nila pinapansin na... (mahirap ako).
Nagpapasalamat po ako sa mga Ibuna kasi sobrang tinanggap naman po nila ako,” pahayag pa ni Michael.
Samantala, inamin ng binatang ama na nahirapan siyang umarte sa Pare, Mahal Mo Raw Ako dahil hindi naman daw siya artista kundi singer, kaya hiningi niya ang tulong nina Edgar Allan Guzman at Ms. Nora Aunor kung paano iaarte ng tama ang karakter niya.
Nagpapasalamat si Michael kina EA at Ate Guy dahil hindi naging maramot ang mga ito sa kanya.
Mapapanood na ang Pare, Mahal Mo Raw Ako sa Hunyo 8, mula sa direksyon ni Joven Tan, distributed naman ng Viva Films.
(REGGEE BONOAN)