Hindi na miyembro ng Philippine athletics team si Mary Joy Tabal. Ngunit, kailangang maibigay sa kanya ang kinakailangang suporta, higit at nakapasok siya sa Rio Olympics matapos makapasa sa itinakdang Olympic standard sa women’s marathon.
Naisumite ng pambato ng Guba, Cebu ang tyempong dalawang oras, 43 minuto at 41 segundo para sa ikawalong puwesto sa Scotia Bank Marathon – isa sa qualifying meet para sa Rio Games – sa Ottawa, Canada.
Itinakda ng International Athletics Federation (IAAF) ang qualification time sa women’s marathon sa 2:45:00. Nakatakda ang Rio Games sa Agosto 5-21.
Ang tyempong naisumite ni Tabal ay bumura rin sa national record na 2:44.41 na naitala ni Jho-ann Banayag noong 2007 SEA Games sa Bangkok, Thailand.
Sa kasalukuyan, tanging si Eric Shawn Cray ang atletang Pinoy sa Rio line-up na nakapasa sa qualifying standard, habang binigyan ng ‘wild card’ entry si Sea Games long jump queen Marestella Torres- Sunang.
Wala pang pormal na pahayag si Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) president Philip Ella Juico hingil sa katayuan ni Tabal.
Ngunit, sinabi ni Patafa secretary-general Renato Unso na pag-uusapan ng Patafa Board ang sitwasyon.
“But for sure, tutulungan namin siya, pinaghirapan naman iyan ng bata,” aniya.
Umalis sa RP Team ang three-time National Milo marathon champion at kandidato bilang ‘priority athlete’ ng Philippine Sports Commission, subalit mas pinili niyang manatili sa Cebu para magsagawa ng sports clinics sa 500 out-of-school at street children na kinakalinga ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu.