Stephen Curry

Warriors, wagi sa Thunder sa Game 7; rematch vs. Cavaliers sa NBA Finals.

OAKLAND, California (AP) — Sinugatan ng Warriors ang puso ng Thunder sa Game Six bago tuluyang ibinaon ang katauhan ng karibal sa huling daluyong nang labanan.

Binitawan nina Klay Thompson at back-to-back MVP Stephen Curry – tinaguriang “Splash Brothers” – ang pamatay na long-range shooting sa krusyal na sandali para sandigan ang Golden State Warriors sa hindi malilimutang 96-88 panalo sa winner-take-all at makumpleto ang makasaysayang 1-3 pagbalikwas sa Western Conference finals nitong Lunes (Martes sa Manila).

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Matapos malagay sa balag ng alanganin ang itinirik na 73 panalo sa regular season, balik sa NBA Finals ang Warriors upang idepensa ang korona laban sa pamilyar na karibal – ang Cleveland Cavaliers.

Nakatakda ang Game One ng kampeonato sa Huwebes (Biyernes sa Manila), sa Oracle Arena.

“You appreciate how tough it is to get back here,” pahayag ni Curry. “You’ve got to be appreciative of this accomplishment, and look forward to getting four more wins.”

Nagsalansan si Curry ng 36 na puntos, tampok ang pitong three-pointer para maitala ang NBA-record 32 sa pitong laro sa serye, bukod sa walong assist, habang kumubra si Thompson ng 21 puntos, kabilang ang anim na three-pointer. Sa Game Six, naitala niya ang record 11 triple.

Tinanghal ang Warriors na ika-10 koponan sa NBA na nakabangon sa 1-3 paghahabol sa best-of-seven series.

“We survived by the skin of our teeth,” pahayag ni coach Steve Kerr. “We were able to pull it out, and we’re moving on.”

Hawak ang 90-86 bentahe, naisalpak ni Curry ang tatlong free throw mula sa foul ni Serge Ibaka sa three-point attempt, may 1:18 sa laro para mapalawig ang abante.

“This is who he is. Having a clutch performance in a Game 7, that’s Steph Curry,” sambit ni Kerr.

“No one ever had any doubt that we could get this done,” pahayag ni Draymond Green.

“People have seen teams down 3-1 before but they ain’t seen many. They’ve definitely never seen a 73-win team down 3-1,” aniya.

Nanguna sa Thunder si Kevin Durant na may 27 puntos mula sa 10-for-19 shooting, habang kumana si Russell Westbrook ng 19 na puntos, 13 assist at pitong rebound.

“It hurts losing, especially being up 3 games to 1,” puno na emosyon na pahayag ni Durant.