OAKLAND, California (AP) – Tuloy ang ariba ng Golden State Warriors at isang koponan na lamang ang balakid para madugtungan ang makasaysayang ariba ngayong season – ang Cleveland Cavaliers.

Pamilyar na karibal ang naghihintay sa Warriors sa NBA Finals, ngunit sa pagkakataong ito, mas malusog, kumpleto at matikas na Cavaliers ang kanilang makakaharap sa best-of-seven championship series.

Bukod sa berdugong si LeBron James, handang makipagsabayan para sa Cavs sina point guard Kyrie Irving at power forward Kevin Love – kapwa nagtamo ng injury sa NBA Finals sa nakalipas na taon.

Bukod dito, gutom ang Cavaliers sa kampeonato na umabot sa 52 taon ang kawalan ng titulo sa pro sports.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Gaganapin ang Game One sa Huwebes (Biyernes sa Manila), sa tahanan ng Warriors sa Oracle Arena.

Dumaan sa butas ng karayom ang Warriors matapos bumalikwas sa 1-3 paghahabol kontra sa Oklahoma City Thunder at tanghaling ika-10 koponan sa kasaysayan ng liga na nakalusot sa Game Seven.

“It’ll be fun,” pahayag ni Warriors All-Star Draymond Green. “You know they’re rolling right now, they got a lot of guys going, but looking forward to the challenge,” aniya.

Naitala ni James ang averaged 35.8 puntos, 13.3 rebound, at 8.8 assist nang mag-isang akayin ang Cavaliers para sa 2-1 bentahe sa Warriors. Ngunit, nagawang makuha ng Golden State ang huling tatlong laro para sa kampeonato.

“Feeling good right now,” sambit ni Cavs coach Tyronn Lue. “Focusing on trying to get better, using each practice, all the time we have to get better.”