HINDI maganda at kanais-nais ang pakikipag-away ni president-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) sa Simbahang Katoliko (o Iglesia Katolika). Dapat niyang tandaan na ang Catholic church ngayon ay pinamumunuan ni Pope Francis, isang mapagpakumbabang Sugo ng Diyos, at ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle (sa ‘Pinas), siya ay palangiti at mapagpakumbaba ring pastol ng Panginoon.

Dapat malaman ni Mayor Duterte na hindi na panahon ngayon ng mga prayle at ni Padre Damaso na ang naghaharing-uri noon ay ang kaparian. Hindi na ito panahon na ang mga prayle ang nasusunod sa lahat ng bagay. Panahon ngayon ng civil government na ang naghaharing-uri ay ang presidente at mga kaalyado, kaibigan at kaklase (KKK) na higit na makapangyarihan kaysa Simbahan, Korte Suprema at Kongreso.

Hindi komo inihalal ka, RRD, ng taumbayan ay ayaw na ng mga Pilipino sa Simbahang Katoliko. Tandaan mo, President Rody, na ibinoto ka ng mga tao bunsod ng buwisit at galit sa administrasyong Aquino, sa pagtirik ng MRT, bigat ng trapiko, tanim-bala, selective justice, anomalya sa PDAF at DAP, Mamasapano tragedy, Kidapawan farmers’ protest, atbp. Huwag mong isipin na binalewala ng mga Pinoy ang panawagan ng Iglesia Katolika (Simbahang Katoliko) na huwag iboto ang mga kandidatong may kaduda-dudang moralidad at mababa ang respeto sa human rights.

Sa totoo lang, malaya ang mga Katoliko sa pagboto na ayon sa kanilang kagustuhan. Hindi sila katulad ng ilang sekta na kung ano ang nais ipaboto ng kanilang lider o sugo ay pikit-matang sumusunod kahit labag sa kalooban. Nabihag mo, Mang Rody, ang mga tao dahil sa pangakong sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan, mawawala ang illegal drugs sa ‘Pinas, itutumba mo ang mga kriminal at ipakakain sa mga isda ang kanilang bangkay. Huwag mong akalaing sinuway ng mga Pilipinong Katoliko ang Simbahan sapagkat ikaw ang ibinoto nila. Manapa, malaya ang mga katoliko at hindi supil ng kanilang relihiyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung masusunod ang kagustuhan ni RRD, ang kanyang inaugural speech sa Hunyo 30 ay tatagal lang ng limang minuto.

Ayaw rin niya ng multi-vehicle security convoy na ipinagkakaloob sa mga presidente. Ang gusto niya ay dalawang backup vehicle lang. “Ayaw ko ko ng maraming sumusunod sa akin. I’ve been used to only two cars. I’d like that to maintain that way”, ayon sa machong alkalde.

Samantala, kung inaakala ni Mayor Digong na mapaghihilom niya ang sugat ng bayan sa pagpapalibing sa bangkay ng diktador na si Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng Mga Bayani, malamang kaysa hindi na muling mabubuksan ang sugat at sakit ng puso at isip ng mga Pilipino, lalo na iyong mga nakaranas ng kalupitan noong martial law. Tiyak na maraming sektor, kabilang ang mga militanteng grupo, ang mag-aalsa at kokontra sa desisyong ito. Baka pati ang military ay sumalungat at lalong lumala ang sitwasyon ng bansa! (Bert de Guzman)