PARIS (AP) — Target ni Serena Williams ang kasaysayan. At sa unang laban pa lamang, ipinadama na niya ang masidhing hangarin.
Nangailangan lamang ng 42 minuto ang defending champion para mapatalsik ang 77th ranked na si Magdalena Rybarikova ng Slovakia, 6-2, 6-0. Puntirya ni Williams na pantayan ang record na 22 Grand Slam title ni Steffi Graf sa Open-era.
“It was a little short for me, but I think in my career, if I don’t have it by now, I need to look into something different. So I’m OK — I’m OK with that,” sambit ng top-seeded na si Williams.
Ngunit, kung naging madali kay Williams ang pag-arya, taliwas ito sa ilang seeded player.
Maagang nasibak si No. 3 Angelique Kerber, gumapi kay Williams sa Australian Open finals, kontra 58th-ranked Kiki Bertens ng The Netherlands 6-2, 3-6, 6-3, habang naunsiyami si No. 5 Victoria Azarenka, isa sa dalawang player na nakatalo kay Williams ngayong season, kontra No.118th Karen Knapp ng Italy.
Itinigil ang laro dahil sa pananakit ng tuhod ni Azarenka kung saan tangan ni Knapp ang 4-0 bentahe sa third set.
Kung nagkataon, makakaharap ni Williams si Azarenka sa quarterfinals, gayundin si Kerber sa semi-finals.
“I started to feel a sharp pain in my knee. I’ve had an injury there before, a while ago, but it hasn’t been a problem until today,” paliwanag ni Azarenka.
“That was, for sure, not my best tennis,” aniya.
Sa nakalipas na anim na major tournament, tangan ni Williams ang 39-2 marka, na nagmula ang kabiguan kina Kerber at No. 7 Roberta Vinci, pumigil sa pagtatangka ng American star para sa calendar-year Grand Slam sa 2015 U.S. Open.
Umusad din ang nakatatanda niyang kapatid na si No. 9 Venus kontra 82nd-ranked Anett Kontaveit 7-6 (5), 7-6 (4).
Sa men’s singles, magaan din ang ratsada ni top-seeded Novak Djokovic laban kay 95th-ranked Yen-hsun Lu 6-4, 6-1, 6-1, gayundin si Rafael Nadal kontra kay 100th-ranked Sam Groth, 6-1, 6-1, 6-1.