Walang panahon upang magpahinga ang mga Pinoy bagamat itinuturing na ang Pilipinas bilang may pinakamalakas na ekonomiya sa Asya.

Ito ang binitawang pahayag ni Pangulong Aquino nang pangunahan niya ang turn over ceremony ng dibidendo ng mga Government Owned and Controlled Corporation (GoCC) sa Malacañang nitong Lunes, na rito niya ibinandera ang malakas na ekonomiya ng bansa.

“Tandaan natin: Lahat ng nakamit nating tagumpay, puwede sanang nagawa na noon pa, pero hindi nangyari. Ngayong inaani na natin ang positibong bunga ng mga ipinunla nating reporma, simple lang ang hamon at panawagan sa atin: Huwag tayong tumigil at makuntento lang sa nagawa na; tiwala akong ‘di kayo magsasawa sa masigasig na pagtupad sa inyong mandato,” pahayag ng Pangulo.

Lumobo ang ekonomiya sa 6.9% sa unang tatlong buwan ng 2016, ang itinuturing na pinakamalakas sa Asia, kabilang ang China.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Habang ibinabandera ang pag-usad ng ekonomiya, iginiit din ni Aquino na ito ay bunga ng “good governance” na ipinursige ng kanyang administrasyon.

“Nito nga pong 1st quarter ng 2016, nagtala tayo ng 6.9% GDP growth—ang pinakamataas na paglago ng ekonomiya sa buong Asya. At ito nga pong paglagong ito ang nagbigay sa atin ng higit na kakayahang paglingkuran, hindi lang ang iilan, kundi ang nakakarami,” ani Aquino.

Una nang ipinangako ng susunod na pangulo na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ipagpapatuloy niya ang magagandang polisiya ng administrasyong Aquino upang matiyak ang tuluy-tuloy na paglobo ng ekonomiya.

(GENALYN D. KABILING)