Kinolekta ng National University Bulldogs ang ikatlong sunod na panalo matapos biguin ang MC Dream ng Korea, 11-9, sa pagpapatuloy ng 2016 PSC Commissioners Baseball Cup, sa Rizal Memorial Baseball Field.

Pumalo ang NU Batters ng isang run sa ikalawang inning at dalawa sa ikatlong inning upang agad na iwanan ang kalaban na binubuo ng Korean expatriates.

Humataw pa ng tig-tatlo sa ikalima at ikapitong inning ang NU subalit gumanti matapos mabokya sa unang apat na inning ang mga Korean sa pagtala ng isang run sa fifth, tatlo sa sixth at isa sa seventh inning upang idikit ang laban sa 9-4 iskor.

Nagpilit pa ang MC Dream na agawin ang panalo sa pagpasok ng tig-dalawang runs sa ikawalo at ikasiyam na inning subalit ginantihan na lamang ito ng NU ng tig-isang run sa huling dalawang inning upang panatiliin ang malinis nitong karta sa Pool A.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Una nito, pinasuko ng Ateneo De Manila A ang nakasagupa na LS Antipolo sa loob lamang ng limang inning para sa conceded game sa iskor na 20-1 runs.

Magaan naman na iniuwi ng reigning SCUAA champion na Rizal Technological University (RTU) ang unang panalo sa dalawang laro sa pamamagitan ng default matapos na hindi makarating ang Bulacan State University (BULSU).

(Angie Oredo)