Nagpapasaklolo ang ilang grupo ng overseas Filipino workers (OFW) sa papasok na administrasyon ni Rodrigo Duterte para sa libu-libong hindi dokumentado at hindi regular na mga manggagawang Pinoy sa Saudi Arabia.
Sinabi ni John Leonard Monterona, convenor ng United OFW Worldwide (U-OFW) at adviser ng OFW Undocumented for Legalization through Amnesty (OFWULA), na umaapela sila sa susunod na administrasyon na unahin ang pagpapauwi sa mga Pinoy sa Saudi Arabia na pinabayaan ng nakaraang administrasyon.
Iminungkahi ni Monterona ang pagtatag ng isang special task force para sa pagpapauwi ng mga hindi dokumentadong OFWs sa ilalim ng gabay at pangangasiwa ng kalihim ng Department of Foreign Affairs na direktang mag-uulat sa Pangulo. - Mina Navarro