Ni CHARISSA M. LUCI

Hinamon ng isang militanteng kongresista ang kanyang mga kabaro sa Liberal Party na tumawid-ilog sa kampo ni incoming President Rodrigo Duterte na suportahan ang kanilang hakbang na i-override ang veto ni Pangulong Aquino sa P2,000 pension increase para sa mga miyembro ng Social Security System (SSS).

“Hinihikayat namin ang mga miyembro ng Kongreso mula sa Liberal Party na planong makianib sa administrasyong Duterte, na patunayan na sila ay nararapat na mahalal sa pamamagitan ng pag-abandona sa Daang Matuwid at suportahan ang override sa veto sa P2,000 SSS pension hike,” pahayag ni Anakpawis Rep. Fernando “Ka Pando” Hicap.

Sa kainitan ng kampanya, hiniling ni Duterte na bawiin ang presidential veto sa pension hike upang mayroong maipangtustos ang mga retiradong mamamayan sa kanilang pangangailangang pang-medikal.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

“Maraming tao ang naniniwala sa campaign slogan ni Duterte ‘Change is Coming’ at sisimulan natin ito sa pamamagitan ng pagsusulong na maisabatas ang pension increase para sa mga SSS member,” ayon sa kongresista.

Hanggang nitong Mayo 13, hindi bababa sa 95 mambabatas ang lumagda sa isang mosyon sa humihiling na i-override ang veto ni Pangulong Aquino. Ang grupo ay pinamumunuan ni Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares habang 11 senador ang sumusuporta sa kahalintulad na mosyon na inihain ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Upang ma-override ang presidential veto, mangangailangan ng two-thirds vote mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso—192 sa Kamara at 16 sa Senado.