Winalis ng Philippine Navy B ang apat nitong laban sa Pool A, habang nanatiling walang talo ang kakamping Philippine Navy A sa Pool B upang kapwa umusad sa semifinals ng men’s division ng 2016 Philippine Super Liga Beach Volleyball Challenge Cup, sa Sands SM by the Bay.
Binigo ng pares nina Pajiji Alsali at Milover Parcon ng Navy B ang tambalan nina Geric Ortega Ruvince Abrot ng UE Manila, 21-13, 21-18, bago nito dinungisan ang dating malinis na kartada ng FEU A nina Joel Cayaban at Franco Camcam, 21-18 at 21-10 para sa apat na sunod nitong panalo.
Hindi naman nagpaiwan ang Philippine Navy A nina Nur-amin Madsairi at Roldan Medino na pinatalsik ang pareha ng kambal na sina Daniel at Tim Young ng SM By the Bay, 21-9, 21-9, bago dinungisan ang kartada ng pares nina Kris Guzman at Anthony Arbastro ng TVM, 16-21, 21-17 at 18-16.
Tanging ang dalawang mangungunang koponan lamang ang uusad sa dalawang grupo ng kalalakihan paakyat sa matira-matibay na semifinals.
Pinaglalabanan naman ng FEU A nina Cayaban at Camcam at ang tambalan nina Arjay Salcedo at Bobby Gatdula ng IEM para sa Pool habang sa Pool B ay ang tambalan nina Guzman at Arbasto ng TVM at ang tambalan ng magkapatid na Cignal Team Awesome nina Rey at Reylan Taneo.