Hindi pa man tuluyang naitatalaga, binatikos na si Las Piñas Rep. Mark Villar mula sa kanyang mga kritiko matapos niyang tanggapin ang alok na maging bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng administrasyon ni presumptive President Rodrigo Duterte.

Ikinakatwiran ng mga kritiko ang conflict of interest sa pagiging kalihim niya ng DPWH dahil anak siya ni Manny Villar, na nangangasiwa sa isa sa pinakamalalaking real estate company sa Pilipinas at maraming housing at commercial project sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Taliwas dito, malinaw na isang malaking sakripisyo para kay Villar at sa kanyang pamilya ang pagtanggap ng kongresista sa posisyon para pamunuan ang DPWH, dahil mangangahulugan ito na pagbabawalan nang makibahagi sa bidding ang Vista Land & Lifescapes ng kanyang pamilya para sa anumang proyekto ng kagawaran.

Sa kabila nito, tiniyak ng 37-anyos na mambabatas—na marahil ay pinakabatang miyembro ng Gabinete ng susunod na administrasyon—na handa siya sa mga magiging responsibilidad niya bilang tagapamuno ng isa sa pangunahing kagawaran ng bansa, na nagsusulong ng iba’t ibang proyektong imprastruktura na mahalaga sa pagpapaunlad sa ekonomiya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kilala sa katapatan at pagkakaroon ng integridad, nakamulatan na ni Villar ang paglilingkod-publiko ng kanilang pamilya—kabilang ang kanyang ina na si Senator Cynthia Villar—kaya naman isang malaking pagbabago ang pamamahala niya sa DPWH, na matagal nang iniuugnay sa kurapsiyon.

Sa murang edad pa lamang ay marami nang karanasan si Villar sa paglilingkod sa publiko. Sa Kongreso, nagsilbi siyang chairman ng House Committee on Trade and Industry at vice chairman ng Committees on Overseas Workers Affairs, Science and Technology, at Labor and Employment.

Nagtapos siya ng Bachelor’s Degree in Economics, Political Science and Philosophy sa University of Pennsylvania.

Nakumpleto naman niya ang kanyang Master’s Degree in Business Administration sa The University of Chicago Booth School of Business.

Bago sumabak sa pulitika, si Villar ay naging presidente ng Crown Asia Corporation, na miyembro ng Vista Land Group, na may mahigit tatlong dekadang karanasan sa master-planning ng mga komunidad at maging ng mga commercial center.

Pinuna rin ng ilan ang pagtanggap ni Villar sa alok na maging kalihim ng DPWH gayung kapoproklama lang sa kanya para sa ikatlong termino niya sa Kamara.

Kung susuriin ang mga Cabinet appointment ng mga naging Pangulo ng bansa simula noong panahon ni yumaong Pangulong Cory Aquino, hindi si Villar ang unang mambabatas na naitalaga sa Gabinete.

Hulyo 1993 nang italaga ni Pangulong Cory si noon ay Senator Teofisto Guingona bilang executive secretary, habang itinalaga naman niyang kalihim ng Department of Transportation and Communications (DoTC) si noon ay Pangasinan Rep. Oscar Orbos.

Hulyo 2002 nang itinalaga ni dating Pangulong Fidel V. Ramos si Sen. Blas Ople bilang foreign affairs secretary, habang kongresista naman ng Antipolo City si Rolando Andaya nang iluklok ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang budget secretary, bukod pa sa ginawang chief of staff si noon ay Albay Rep. Joey Salceda, Pebrero 2007.

Sa panahon ni Pangulong Aquino, itinalaga niyang kapalit ni DoTC Secretary Mar Roxas si noon ay Congressman Joseph Emilio Abaya. (Ellaine Dorothy S. Cal)