Tumulak kahapon patungong Bangkok, Thailand ang Team Philippines Gilas Cadet upang ipagtanggol ang korona sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Championships sa Mayo 22-26.

Ang koponan na gagabayan ni UAAP champion coach Nash Racela ng Far Eastern University ay pangungunahan nina PBA player Troy Rosario ng Talk ‘N Text, at Almond Vosotros ng Blackwater.

Sasamahan sila ng mga amateur standout na sina dating FEU cager Mac Belo, Mike Tolomia at Roger Pogoy at mga kakampi nilang sina Reymar Jose, Steve Holmqvist, at Russel Escoto.

Kabilang din sa koponan sina Kevin Ferrer, Jiovanni Jalalon, Von Pessumal, at Chiang Kai Shek standout Jonas Tibayan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bagamat may 15 araw lamang ang naging preparasyon, optimistiko si Racela na ang karanasang taglay, higit ng talento ng kanyang mga player, ang kanilang sandata para maisakatuparan ang misyon.

Unang makakakaharap ng Gilas Cadet ang Malaysia sa opening day bago ang kanilang rest day sa ikalawang araw.

Susunod nilang makakatunggali ang Indonesia sa Mayo 24, bago ang Singapore sa Mayo 25, at pinakahuli ang Thailand sa Mayo 26.

Nakatakdang idaos ang finals, kung saan paboritong umusad ang mga Pinoy, sa Mayo 28. (Marivic Awitan)