Sinabi ng kapoproklamang si Senator-elect Manny Pacquiao na pabor siya sa pagpapataw ng death penalty dahil “biblical” naman ito at hindi tinututulan ng Diyos.

“Pabor ako sa death penalty. Actually, hindi ito bawal sa Panginoon at bagkus ito ay biblical,” sabi ni Pacquiao nang makapanayam matapos iproklama bilang isa sa 12 nanalong senador sa katatapos na halalan.

Ayon kay Pacquiao, dapat na basahin ang bersikulong Romans 13, Chapters 1-7 sa Bibliya para maunawaan kung bakit nakabatay sa aral ng Diyos ang parusang kamatayan.

“Kung babasahin ho natin ang Romans 13 Chapters 1-7, malalaman ho natin kung bakit. Hindi naman kasi ang presidente ang maghahatol kundi ang government, kaya kailangang bantayan ang judiciary natin para sa balanseng pagsusuri,” sabi ni Pacquiao.

National

4 na senador, binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill

Kasama ng kongresista mula sa Sarangani ang kanyang buong pamilya nang iproklama siya bilang ikapito sa 12 nanalong senador matapos makakuha ng 16,050,546 na boto.

Tumanggi naman si Pacquiao na magbitaw ng anumang pangako tungkol sa mga isusulong niya bilang senador.

“Ayoko naman mangako, kasi hindi naman tama iyon. Ang sa akin lang, magtatrabaho ako sa abot ng aking makakaya,” sabi ni Pacquiao. (Martin A. Sadongdong)