Namayagpag ang independent senatorial candidate na si Richard “Dick” Gordon sa hanay ng 49 na kumandidato sa pagkasenador sa pinagsamang resulta ng overseas absentee voting (OAV) at local absentee voting (LAV), ayon sa ulat ng National Board of Canvassers (NBOC).
Ito ay matapos isumite ni Atty. Esmeralda Amora-Ladra, pinuno ng NBOC Audit Group, ang consolidated audit report ng resulta ng OAV at LAV, na roon lumitaw na nanguna si Gordon sa senatorial race matapos makakuha ng 50,910 boto.
Nakasaad sa ulat na nakakuha ang chairman ng Philippine Red Cross ng 40,121 mula sa OAV, at 10,789 sa LAV.
Hindi malayo kay Gordon si Panfilo “Ping” Lacson na nakakuha ng 49,066 accumulated vote; Ralph Recto, 44,180 boto; Franklin Drilon, 42,549 na boto; Francis “Kiko” Pangilinan, 42,069 na boto; at Sergio Osmeña III, 41,248 boto.
Wagi rin sina Miguel Zubiri, 40,351 boto; world boxing champion Manny Pacquiao, 39,721; Vicente “Tito” Sotto III, 38,063; Risa Hontiveros, 30,179; Leila de Lima, 30,032; at Joel “TESDAman” Villanueva, 29,628 boto.
Sa 12 kandidato, lima ang mula sa Liberal Party (LP), apat ay independent, habang ang iba ay mula sa United Nationalist Alliance (UNA), Nationalist People’s Coalition (NPC), at Akbayan Party-list. (Martin A. Sadongdong)