Umabot na sa 107 truck ang nahakot na basura ng katatapos na eleksiyon, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay katumbas ng 178 tonelada ng campaign materials, ayon kay Francis Martinez, ng MMDA Metroparkway Clearing Group, na nangasiwa sa paglilinis.
Ang mga nakolektang campaign materials, na ikinabit nang magsimula ang kampanya noong Pebrero 9, ay inimbak sa tatlong pasilidad sa Nagtahan flyover, sa impounding station ng ahensiya sa Julia Vargas, at sa EDSA-Santolan flyover.
Sinabi ni Martinez na 18 grupo ang ipinakalat sa Metro Manila para magbaklas at maglinis ng campaign materials sa mga kongkretong pader, bakod, at poste ng ilaw.
Sa tantiya ni Martinez, aabutin pa ng dalawang linggo ang paglilinis ng MMDA sa lahat ng campaign materials, at kabilang sa mga nakolektang election paraphernalia ang papel, plastik at tarpaulin.
Aniya, ipinamimigay na nila ang mga tarpaulin at iba pang election materials na maaari pang pakinabangan o i-recycle.
Bukod sa mga lansangan, naglilinis din ang mga tauhan ng MMDA sa mga eskuwelahan na ginamit bilang voting precinct, dahil magsisimula nang magbalik-eskuwela ang karamihan sa mga mag-aaral sa Hunyo 13. (Anna Liza Villas-Alavaren)