Hindi magaganap ang hinihintay na ‘reunion’ sa Ateneo volleyball team kay three-time UAAP Most Valuable Player Alyssa Valdez.
Ipinahayag kahapon ng Ateneo de Manila University athletic director Em Fernandez na hindi sasabak ang Lady Eagles sa Open Conference ng 13th V-League na nakatakda sa Mayo 22.
“No plans of joining the V-League this coming conference,” pahayag ni Fenandez.
Iniurong ng V-league management ang nakatakdang opening ceremony ng liga sa kagustuhang makuha ang paglahok ng Ateneo.
Nauna rito, nabanggit ni V-League Commissioner Tony Boy Liao, team manager din ng Lady Eagles, na inihahanda niya ang koponan na binubuo ng mg dati at kasalukuyang player ng Ateneo.
Sa naturang plano, muling magkakasama ang mga graduate player na sina Charo Soriano, Denden Lazaro at Valdez, kasama ang iba pang miyembro ng koponan na nagtpos na runner-up sa La Salle sa nakalipas na UAAP championship.
Ayon kay Fernandez, sasabak ang Lady Eagles sa SVL Collegiate Conference, gayundin sa ASEAN University Games sa Hulyo.
“No other plans for this summer. (But) the second conference of the V-League is the other tournament we are planning to join,” aniya.
Bunsod nito, sinabi ni Fernandez na may pagkakataon si Valdez na lumahok sa ibang koponan para makalaro sa V-league.
“Alyssa can join any other team, she already finished her UAAP career with Ateneo,” aniya.