Posibleng mangyari ang “zero vote” sa isang kandidato.

Ito ang pinatunayan ni Atty. Romulo Macalintal, isa sa mga abogado ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo base sa nabilang na boto ng mga kandidato sa pagka-bise presidente.

Bilang pruweba, tinukoy ni Macalintal ang 18 polling precinct na nakakuha ng boto ang katunggali nitong si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang ang ibang kandidato, kabilang si Robredo, ay walang nakuhang boto nitong Lunes.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga polling precinct sa Barangay Langil, Basilan (563); San Praxedes, Cagayan (63); New Era, Dasmariñas City (672); New Era, Dasmariñas City (714); Macupit Elementary School, Ilocos Norte (364); Pias-Gaang, Pias, Ilocos Norte (105); Apatut-Lubong, Pinili, Ilocos Norte (189); Puzol Elementary School, Pinili, Ilocos Norte (154); Sitio Nagtenga, Ilocos Norte (327); Bannawag, Anganadan, Isabela (306); Bagong Buhay, Palayan City, Nueva Ecija (325); Barangay Maligaya, Nueva Ecija (449); Barangay Maligaya, Nueva Ecija (346); Tagumpay Compound, San Jose, Rizal (576); Bilaan, Talipao, Sulu (420); Bilaan, Talipao, Sulu (394); Pantao, Talipao, Sulu (204); at New Era Elementary School, Tandang Sora, Quezon City (657).

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

"Total votes for Marcos 6,828 or 100 percent votes while total votes for Robredo et al, zero," pahayag ni Macalintal sa panayam. “These only shows that having zero votes, as claimed by Sen. Marcos, is very much possible.”

Unang inihayag ni Marcos na nakatanggap siya ng ulat na lumitaw sa resulta ng bilangan ng boto na ipinadala sa Comelec server na ang lahat ng boto ay para kay Robredo habang ang ibang kandidato ay walang nakuhang boto.

Partikular na tinukoy ni Marcos ang zero vote para kay Robredo sa Lanao del Sur, Cotabato City at sa iba pang lugar sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). (Leslie Ann G. Aquino)