(Unang Bahagi)
NOONG panahon pa man ng mga mapanakop at mapanupil na mga Kastila, ang Mayo na buwan ng mga bulaklak ay buwan din ng pagpapahalaga sa ating mga magsasaka. At kapag sumapit ang ika-15 ng Mayo, ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Isidro Labrador—ang patron saint ng mga magsasaka.
Sa makabagong panahon, ang mga magsasaka ay sektor ng lipunan na kulang sa tangkilik at kalinga ng pamahalaan kaya, patuloy silang naghihirap at inaapi. Dumarating din ang panahon na sila’y walang makain dahil sila’y nabiktima ng matinding tagtuyot kung saan ang kanilang mga pananim ay napinsala.
Nang sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas, bukod sa pagpapalaganap at paghahasik ng binhi ng Kristiyanismo, ipinakilala rin ng mga Kastila ang araro at kalabaw sa mga magsasaka bilang kasangkapan sa pagsasaka.
Bilang sa mga magsasaka at sa mga mangingisda sa Pilipinas, noong Marso 29, 1989 ay idineklara ni yumaong Pangulong Corazon C. Aquino, sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No.393, ang Mayo taun-taon bilang “Farmers and Fisherfolks Month”. Layunin ng proklamasyon na mabigyang prayoridad ang agrikultura at pangingisda upang mapalawak ang kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.
Ayon sa bahagi ng talambuhay ni San Isidro Labrador, siya ay isang mahirap at karaniwang tao na naging banal dahil sa pagsasaka. Isa siyang mabuting magbubukid ni Juan de Vargas sa madrid, Espanya. Dahil sa kalinisan ng kanyang pamumuhay, katapatan sa gawain, napamahal siya sa kanyang panginoong may-ari ng lupa. Katangi-tangi rin ang pagmamahal ni San Isidro sa mga mahihirap. Bago siya magtungo sa bukid upang mag-araro ay hindi niya nakalilimutang magsimba. Kinaiinggitan si San Isidro ng ilan niyang mga kasamahang magsasaka. Isinumbong siya sa kanilang panginoon na siya’y tinatanghali sa pag-aararo sa bukid. Pinuntahan ni Juan de Vargas sa bukid si San Isidro, nagulat si Juan de Vargas sapagkat nakita niya ang mga anghel ang gumagawa sa lupa ni San Isidro.
Namatay si San Isidro noong Mayo 15, 1130.
Ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Isidro tuwing ika-15 ng Mayo. Patron saint din si San Isidro sa Madrid, ang kapital ng Spain.
Sa kapistahan ni San Isidro, tampok sa Pulilan, Bulacan ang: Carabao Festival. Dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista upang makita ang mga pinaluluhod na mga kalabaw sa harap ng simbahan.