Iginiit ng Malacañang na matagal nang ipinatutupad ng administrasyong Aquino ang layunin ng Freedom of Information (FOI) Bill kahit na hindi pa ito naipapasa sa Kongreso.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. na ipinatutupad na ng gobyerno ang mahahalagang punto ng FOI Bill kahit pa walang Executive Order (EO).

Ito ang inihayag ng Palasyo kasunod ng sinabi ni presumptive president-elect Rodrigo Duterte na sa unang araw niya bilang bagong Pangulo ng bansa ay agad siyang magpapalabas ng EO para maipatupad na ang FOI kahit na hindi pa naisasabatas ang panukala.

“Kung tutuusin, ‘yung buod at sustansiya ng Freedom of Information bill ay ipinatutupad na, matagal nang ipinatutupad ng Aquino administration kahit na wala pang batas o kahit walang executive order,” ani Coloma.

National

PBBM sa Undas: ‘Let this day of memorial rekindle us to be better Filipinos’

“Lahat ng government agency merong Citizen's Charter, nagtatakda kung ano ang standards of performance. Kung ikaw ay frontline agency, ilang araw ang pagpoproseso ng papel ng application for a certain public service,” paliwanag niya.

“Iyon pong buod at sustansiya ng Freedom of Information, na kung saan ay nagbibigay tayo ng access sa mamamayan sa mga transaksiyong pampubliko, sa paggamit ng pondo ng bayan, madidiskubre po ng mga bagong uupo na lahat ay ipinatutupad na. Kasama pa rin 'yan doon sa performance-based bonus,” sabi ni Coloma.

Una nang isinama ng administrasyong Aquino ang FOI Bill bilang isa sa mga prioridad na panukala, pero hindi ito pumasa sa Kongreso.

Noong 2008, inihain sa Kongreso ang House Bill 3732 (Freedom of Information Act), pero hindi ito naratipikahan bago nagtapos ang administrasyong Arroyo. (Madel Sabater-Namit)