Umapela ang tambalan nina Sen. Grace Poe at Sen. Francis “Chiz” Escudero sa mamamayan na suportahan ang nangunguna sa presidential race na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte upang maisulong ang mga reporma sa bansa.
Sa pulong balitaan sa punong tanggapan ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sa Quezon City nitong Lunes ng gabi, binigyang-diin ni Poe na dapat magkaisa ang mga Pinoy at bigyan ng pagkakataon si Duterte na manilbihan bilang susunod na pangulo ng bansa.
Sa kabila ng mga unang pahayag ng alkalde, duda si Poe kung tototohanin ni Duterte ang banta na ipasasara nito ang Kongreso.
Sa kabila ng kanyang pagkatalo sa presidential race, may nalalabi pang tatlong taon si Poe bilang miyembro ng Mataas ng Kapulungan.
“Kailangan nating gampanan ang ating trabaho at wala akong nakikitang dahilan upang gawin niya ‘yan (pagpapasara sa Kongreso). Para sa akin, mayroon na siyang bagong mandato. Bigyan natin siya ng pagkakataon,” pahayag ni Poe.
Samantala, nanawagan si Escudero sa mamamayan na respetuhin ang desisyon ng nakararami.
“Ang mahalaga rito ay mahilom ang sugat na naidulot ng pulitika, at magkaisa tayong lahat sa isang lider…siya man ay ibinoto natin o hindi,” giit ni Chiz, na pumuwesto sa ikaapat na posisyon sa vice presidential race, base sa unofficial count ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). (Hannah L. Torregoza)