Tick tock, tick tock. Talaga ngang hindi na makapaghintay ang mga botante na maghalal ng mga bagong tagapamuno na hahawak sa manibela ng Pilipinas tungo sa kaunlaran at kapayapaan.

Sa mga nakalipas na buwan, nabigyan ng sapat na panahon ang bawat botante para kilatisin at pag-aralan ang plataporma ng mga kandidato, na pawang namulaklak sa pangako ang mga labi makuha lamang ang minimithing posisyon.

Pagpatak pa lang ng 6:00 ng umaga, oras ng pagbubukas ng mga presinto sa bawat barangay, blockbuster na ang pila ng mga botante. Paypay dito, paypay doon. Inom dito, inom doon. Punas dito, punas doon.

Habang nakapila at matiyagang naghihintay ng kanilang pagkakataon, nag-uusap-usap ang mga botante kung sinu-sino ang kanilang iluluklok. Siyempre, hindi mawawala ang kani-kanyang bidahan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dahil dito, hindi naiwasang magkaroon ng mga pagtatalo sa pagitan ng mga tagasuporta.

At dala na rin marahil ng init ng panahon, pagsisingitan, pamimitig ng mga binti sa pagkakatayo, at gutom, nagkapikunan na ang magkakabilang panig hanggang sa makahalatang hindi umuusad ang pila.

At ang kanina ay excited na botante, biglang beast mode na!

“Bad trip! Dapat kasi orasan (ang pagboto). Ang tagal nila, parang ngayon lang nag-iisip kung sino iboboto!

Papatay-patay kumilos. Tapos sisingit pa ‘yung iba,” sitsit ng babae sa bago niyang kaibigan, na sa pila lang niya nakilala.

Sa kabila nito, hindi sumuko at nagsikap pa rin ang mga botante na makaboto. Pagkatapos magtiis at magpasensiya, makikita pa rin ang kislap sa kanilang mga mata na tanda ng pag-asa para sa mas maliwanag na kinabukasan sa susunod na anim na taon. (Ellaine Dorothy S. Cal)