Nina LESLIE ANN G. AQUNO at MARY ANN SANTIAGO

Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na 100 porsiyentong handa na ito sa pagsasagawa ng halalan para sa 18,000 pambansa at lokal na posisyon ngayong Lunes.

Pinaalalahanan din ng Comelec ang mahigit 54.3 milyong botante na magbubukas ang polling precinct ng 6:00 ng umaga at magsasara ng 5:00 ng hapon.

“If you look at the preparations of the Comelec...we are more prepared now than in 2013,” pahayag ni Comelec Chairman Andres Bautista.

National

Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng Death Penalty for Corruption Act

Bagamat nagkaroon ng maliliit na aberya sa isinagawang Final Testing and Sealing ng mga vote counting machine (VCM), sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na handa na ang electronic voting and counting system ngayong Araw ng Halalan.

Aniya, naipadala na ang lahat ng kakailanganing gamit at tauhan na may kinalaman sa pagsasagawa ng eleksiyon, lalo na sa malalayong lugar.

Tiniyak din ng mga opisyal ng Comelec na may inihandang contingency measures ang ahensiya sakaling magkaroon ng problema sa proseso ng halalan tulad ng posibleng hindi pagsipot ng Board of Election Inspectors (BEI) sa kani-kanilang polling precinct.

“It’s one of the usual problems, the BEI not showing up on Election day for various reasons. Its either some of them get sick, some of them sudenly realize that they are related to a candidate or they just dont want to report for work. We have a contingency measure for that,” ayon kay Jimenez.

Umapela rin sina Bautista at Jimenez sa mga botante na huwag itupi, lukutin o basain ang mga balota.

“Huwag ding gumamit ng marker kundi ang official marker lamang. Ang problema sa ibang marker ay posibleng hindi ito mabasa ng makina kahit pa masulatan ang buong oval hindi tulad kapag ang official marker ang ginamit,” giit ni Jimenez.

Aabot sa 18,083 ang kabuuang bilang ng national at local position ang pinag-aagawan ngayong eleksiyon: Isang pangulo, isang bise presidente, 12 senator, 59 party-list representative, 238 kongresista ng distrito, 81 gobernador, 776 miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, 1,624 city mayor, 1,624 city vice mayor, 13,540 city municipal councilor, isang ARMM governor, isang ARMM vice governor at 24 na ARMM assemblyman.