PHI_Diaz copy

Kumpirmado na ang ikatlong sunod na pagsabak ni national weightlifter Hidilyn Diaz sa Rio Olympics.

Ito ay matapos ilabas ng International Weightlifting Federation (IWF) ang listahan ng bansang nakasiguro ng tiket sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.

Isa ang Pilipinas sa nakasiguro ng silya sa women’s 53-kilogram division na inokupahan ni Hidilyn Diaz matapos ang impresibong kampanya sa Asian Weightlifting Championships na ginanap kamakailan sa Tashkent, Uzbekistan. Nag-uwi dito si Diaz ng isang pilak at dalawang tanso.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Yes, it is confirmed, and we are still hoping na meron pa madagdag,” pahayag ni Philippine Weightlifting Association (PWA) president Roger Dullano.

Nasa ikaapat na puwesto si Diaz sa Olympic Qualification Ranking Lists sa kasalukuyan kung san mayroon itong bitbit na 96 kgs. sa snatch, at 117kg sa clean and jerk para sa kabuuang 213 kgs total.

Ito ang ikatlong pagkakataon na sasabak sa Olimpiada si Diaz matapos magkuwalipika sa 2008 edition sa Beijing, China bagaman nagkasya lamang sa ika-11 puwesto. Muli itong nakatuntong noong 2012 na ginawa sa London, England subalit hindi nakakumpleto ng buhat sa clean and jerk.

Nakasama ng Pilipinas nabigyan ng Olympic slots ang Vietnam, Uzbekistan, India, Mongolia at Turkmenistan sa women’s class. Nakasali sa men’s category ang Japan, Iraq, Malaysia, Kyrgyzstan, Syria, India at Turkmenistan.

Opisyal na ihahayag ng IWF ang listahan ng iba pang papasok sa Rio Games sa Hunyo 20 bago nito padalhan ng kumpirmasyon ang Philippine Olympic Committee at WAP.

Pinakahuling dumagdag si Diaz sa kabuuang anim na atleta ng bansa na nakasiguro ng silya sa Rio Olympics.

Ang limang iba pa ay ang mga boksingero na sina Rogen Ladon at Charly Suarez, Ian Larriba sa table tennis, Kirstie Elaine Alora sa taekwondo at sina Eric Shauwn Cray at Marestella Torres sa athletics. (Angie Oredo)