030516_MAR&POE_Petition_02_VICOY copy

Nagharap ng kasong vote-buying ang senatorial candidate na si Greco Belgica laban sa mga kandidato sa pagkapangulo na sina Mar Roxas at Senator Grace Poe sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila, kahapon ng umaga.

Sa inihaing reklamo ni Belgica sa Law Department ng Comelec, sinabi niya na dapat maimbestigahan ang umano’y pamimigay ng “sobre” ng kampo ni Roxas sa isang sortie sa Mindanao, gayundin ang reklamo ng isang tagasuporta ni Poe na hindi umano nabayaran sa pagdalo sa campaign rally ng senadora sa Baguio City.

Ayon kay Belgica, naniniwala siyang dapat na matigil ang naturang maling gawain na pamimili ng boto, na malinaw aniyang paglabag sa Omnibus Election Law, kaya naman pormal niyang inihain ang kanyang reklamo sa Comelec.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Nangangamba si Belgica na kung namimili ng boto ang mga kandidato sa kampanya ay magagawa rin ng mga itong magnakaw sa kaban ng bayan kapag naluklok na sa puwesto, upang mabawi na rin, aniya, ang kanilang ginastos sa kampanya.

“Ang namimili ng boto, magnanakaw sa gobyerno,” ani Belgica, na tumatakbo sa ilalim ng Democratic Party of the Philippines.

Si Belgica, na lead petitioner laban sa sistema ng “pork barrel” sa Korte Suprema, ay chairman ng Reform Coalition Philippines (RCP), isang political watchdog na nananawagan para sa pagbabalik ng security features ng mga vote counting machine (VCM) na gagamitin sa halalan sa Lunes.

Kaugnay nito, mariin namang pinabulaanan ng mga kampo nina Roxas at Poe ang naturang alegasyon.

Giit nila, walang basehan ang reklamo ngunit handa silang harapin ang mga ito. (MARY ANN SANTIAGO)