Heart copy

May slight asthma attack si Heart Evangelista nang dumalo sa grand press launch cum ng naughty primetime series na Juan Happy Love Story ng GMA-7 na muli nilang pagtatambalan ni Dennis Trillo. Sa sobrang pagod na rin daw at init ng panahon kaya sinusumpong siya ng asthma.

Sa trailer pa lang, kitang-kita na ang naughty scenes nina Heart as Happy at Dennis as Juan kaya ang unang tanong, nagkailangan ba sila sa naturang mga eksena?

“Sobrang ilang ako sa simula. Noong una kasi kaming magtambal ni Dennis sa Dwarfina, wala namang ganoong mga kissing scene, dahil madalas dahil duwende ako, naka-chromac ako, solo lang ako sa eksena. Pero later on sa pagti-taping, wala na kaming ilangan, kasi paulit-ulit na rin naming ginagawa,” napatawang kuwento ni Heart. 

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

“Pero sabi nga namin ni Dennis, we will be young once na lamang, p’wedeng gawin na namin ngayon, iyong mag-experiment kami, baka kapag tumagal na, hindi na p’wede.”

Wala bang ipinagbabawal si Sen. Chiz Escudero sa kanya sa mga eksenang sexy?

“Wala naman, suwerte ko na nagkaroon ako ng asawang hindi seloso. Kung minsan nga na nagbabasa ako ng script, nakikibasa siya at wala naman siyang sinasabi sa akin kapag nababasa niya ang mga eksenang gagawin namin ni Dennis. 

Basta masaya ako na nakagawa ako ngayon ng ibang klase ng soap. Nasanay na kasi akong mag-drama at dito, ang bilin sa akin ni Direk LA (Madredejos), kung medyo malungkot ang eksena, hindi ko dapat patuluin ang luha ko, glassy eyes lang. At alam ko na magbibigay ako ng saya sa mga manonood, kaya excited na akong mapanood din ninyo ang aming serye simula sa Monday, May 16, after ng Once Again. Naughty man ang aming serye, p’wede naman ninyong mapanood dahil tulog na ang mga bata kapag airing na nito.”

Hindi maiwasang tanungin si Heart kung ano ang mga plano niya after ng national elections sa May 9, na kandidato nga for vice president ang asawa. Ready na ba siyang maging asawa ng vice president.

“I don’t think about that. Para sa akin this is all destiny. Nagawa na namin ang lahat, I supported him 100 percent. Actually, nang malaman kong tatakbo siya, medyo natakot ako, but as a wife, I supported him all the way.

“Uuwi kaming buong pamilya sa Sorsogon in Bicol sa May 7, at sasamantalahin na naming magbakasyon kahit ilang araw lang. Babalik din naman ako agad dito dahil may taping ako. Kapag tapos na ang lahat, baka ituloy na namin ang honeymoon na hindi pa namin nagawa. 

“Napi-feel ko na rin na gusto ko nang magkaanak, kaya tatapusin ko lamang itong soap namin at gusto kong magkaroon na kami ng time with ourselves ni Chiz. Sa kampanya, hiwalay kami, minsan nagkikita na lamang kami just to say goodnight with each other, dahil pareho kaming pagod.”

If ever, ilang anak ang gusto niya?

“Dalawa lang, kasi may dalawa na kami ni Chiz, ang kambal.”

Saan sila magha-honeymoon kapag tapos na ang eleksiyon?

“Depende kung saan, takot kasi ako sa bomba-bomba,” natawang pagtatapos ni Heart. (NORA CALDERON)